BAGUIO-LA
TRINIDAD NEWSBRIEFS |
NORDIS
WEEKLY January 23, 2005 |
|
Previous | Next |
||
Adivay Festival ikakansela? BAGUIO CITY (Enero 19) — Kung hindi rin lang matutuloy ang pagdaraos ng Panagbenga Festival sa Lungsod ng Baguio ay dapat kanselahin na rin ang pagdaraos ng Adivay Festival sa Lalawigan ng Benguet dahil malulugi lamang ang mga maghahanda para sa Adivay Festival, ito ang ibinahagi ni La Trinidad Mayor Nestor Fongwan sa isang panayam ng Radyo ng Bayan. Ayon kay Fongwan, naniniwala siya na ang pagtatagumpay ng kauna-unahang Adivay Festival sa Benguet ay nakasalalay sa pagdaraos ng Panagbenga Festival. Dahil isang bagong aktibidad lamang ang Adivay, wala pa umanong garantiya na magtatagumpay ito. Sa ngayon, naniniwala siya na tanging pag-asa ng pagtugampay nito ay kung idaraos ito kasabay ng Panagbenga na napatunayan nang crowd-drawer sa loob ng ilang taon. Ayon kay Fongwan, bukod sa lungsod ng Baguio, nakakapanlumo rin ang epekto ng meningo scare sa La Trinidad na nakakaapekto sa presyo ng gulay na hanggang sa kasalukuyan ay bagsak pa rin. Maging ang mga dinadalang gulay sa Metro Manila ay di umano tinatangkilik ng mga mamimili dahil sa walang basehang takot sa meningococemia. # Rowena Caccam/DzEQ ***** EO hinggil sa Character Seminar para sa mga negosyante sinuspindi BAGUIO CITY (Enero 15) — Pansamantalang sinuspendi ng pamahalaang panlunsod ng Baguio ang implementasyon ng Executive Order ni Mayor Braulio Yaranon na nag-rerequire sa mga kumukuha ng business permit na sumailalim sa Character Seminar na tatagal ng 3 oras bago maproseso ang kanilang lisensya. Ang suspension ay bunsod na rin ng samut-saring reklamo at apela ng mga negosyante sa naturang kautusan tulad ng kawalan ng massive information campaign. Anila, bago sana naipatupad ang kautusan ay nagkaroon muna ng massive information campaign upang hindi mabigla ang mga ito. Ayon pa sa mga negosyante, wala silang tutol sa naturang bagay dahil makakatulong ito sa pagbibigay nila ng mas mahusay na serbisyo subalit hindi dapat padalus-dalos. Ang pagpapatupad ng character seminar ay mula sa panukala ni Councilor Galo Weygan, ang chairman ng Character Committee ng pamahalaang panlunsod ng Baguio. Siya rin ang inatasan ng alkalde na magpatupad ng seminar partikular sa mga negosyanteng nagpapatakbo ng bahay aliwan at kahalintulad na negosyo na nagsisilbi ng alak. Tinatayang sa Setyembre 2005 masisimulan ang pagsasagawa ng seminar upang magkaroon ng sapat na panahon ang mga negosyante na makilahok kasunod ng pagproseso nila ng business permit para sa 2005. # Joseph Cabanas/DzEQ ***** Pagpapatupad ng RA 6713 hihigpitan BAGUIO CITY (Enero 19) — Bilang pagpapatunay na hindi kinukunsinti ng Kagawaran ng Serbisyo Sibil (CSC) ang lahat ng mga di kanais-nais na gawain ng mga kawani ng pamahalaan, mas pina-igting pa ang kampanya nito laban sa mga tiwaling tagapaglingkod sa bayan. Batay sa talaan ng mga kasong dinidinig ngayon ng CSC, umaabot sa 75 kaso ang naisampa kaugnay ng paglabag sa Republic Act 6713 o ang Code of Ethical Standards of Public Officials and Employees. Mula sa naturang na bilang, 68% ang naresolba at 47% naman ang nadesisyunan pabor sa mga nagreklamo. Walong kawani naman ang natanggal sa serbisyo makaraang mapatunayang nagkasala at 13 ang napatawan ng suspensyon ng 3-6 na buwan. Samantala, inaasahang mas hihigpit ang pagpapatupad ng RA6713 makaraang mapagkasunduan ito sa National Anti-Corruption Conference. Ayon sa kalatas na inilabas ni CSC Chairperson Karina David, ang paghihigpit sa pagsunod ng mga panuntunan ng paninilbihan ay siyang pangunahing paraan upang mahinto o di kaya’y maibsan ang paglaganap ng korupsyon. # Jhong Munar/DzEQ ***** Bulk water mula sa Benguet Corporation tututulan ng pamahalang panlunsod ng Baguio BAGUIO CITY (Enero 21) — Tututulan ng pamahalaang panlungsod ang bulk water supply mula sa Benguet Corporation (BC) kung ipagpipilitan nito ang bid price na P39.99. Sinabi ni Mayor Braulio D. Yaranon matapos niyang malaman ang resulta ng pagbubukas ng envelope C ng BC kamakailan na ang naturang presyo ay halos doble ng kasalukuyang presyo ng tubig ng Baguio Water District (BWD). Nilinaw ni Yaranon na kumatig siya sa ideyang di kukuha ang lungsod ng tubig mula sa labas ng Baguio dahil sa report ng BWD na ito ay may pagkukunan ng sapat na supply ng tubig. Di rin siya payag na kumuha ng tubig sa labas ng syudad kung di makukuha ang pahintulot ng mga mamamayan sa mga karatig-bayan gaya ng Tuba at Itogon. Naunang sinabi ni Yaranon na kaya ng BWD na isuplay ang 50,000 cubic
meter na tubig pag naisagawa na ang mga drilling nito sa apat na lugar.
Tinatayang 35,000 cubic meter pa lamang ang kasalukuyang naipapalabas
ng BWD bawat araw. # Robert Tabay/DzEQ
|
||
Previous | Next |