NORDIS WEEKLY
December 19, 2004

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Benguet SP, hinimok ang DENR na pag-aralan ang Lepanto exhaust

BAGUIO CITY (Dis. 17) — Hinimok ng Sangguniang Panlalawigan ang Environmental Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (EMB-DENR) na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon at pag-aaral sa posibleng epekto ng Tohking Exhaust Tunnel ng Lepanto Consolidated Mining Corporation (LCMCo).

Hindi kumbinsido ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Benguet sa sinabi ng EMB na ligtas ang hangin sa Sitio Pacda, Suyoc, Mankayan kung saan matatagpuan ang Tohking.

Ayon sa mga board member na bumisita sa nasabing lugar hindi kaaya-aya ang hangin na nilalanghap ng mga residente doon dahil sa operasyon ng Tohking.

Iginiit ni Board Member Sario Copas na kahit hindi eksperto sa kalidad ng hangin ang pupunta sa naturang lugar ay masasabi niyang marumi ang hangin doon.

Hinamon din ng mga board member si EMB Director Joel Salvador na pumunta sa lugar upang personal na malanghap ang hangin na nagmumula sa Tohking.

Samantala, ayon sa pinakahuling ebalwasyon ng DENR at ulat ng LCMCo, malaki umano ang posibilidad na mabigyan ng permanenteng permit ang LCMCo para sa operasyon ng Tohking kung susundin ng kompanya lahat ng requirements para rito.

Subalit nilinaw naman ni Engr. Rolando Reyes, air quality management chief ng DENR na base sa umiiral na alituntunin ng kagawaran hindi makakapagbigay ng permanent permit kung walang pagsang-ayon ang komunidad.

Sinabi rin ni Reyes na hanggang ngayon hindi sumasang-ayon ang komunidad sa operasyon ng Tohking. Sa katunayan aniya, walang kinatawan ang mga residente sa tripartite monitoring body na nagsasagawa ng monitoring sa Tohking.

Matatandaang nag-expire noong nakaraang linggo ang temporary permit ng LCMCo. para sa operasyon ng Tohking at umapila ang kompanya para sa pagkakaroon ng permanenteng permit. # Joseph Cabanas/DzEQ


Home | Back to top

Previous | Next