FILM REVIEW
NORDIS WEEKLY
December 5, 2004

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Sa Bisig ng Manggagawa

Running Time: 25 minutes
Produksyon ng: Kilusang Mayo Uno-Cordillera, Cordillera Labor Center, at Northern Horizon

“Mula sa masa, tungo sa masa.”

Ang mga mahahalagang karanasan ng mamamayan ay maaari nilang balik-balikan upang kapulutan ng mga aral. Sa tulong ng teknolohiya, ang mga kaganapan sa buhay ng isang komunidad ay maaaring irekord at balik-balikan upang muling tunghayan, una, upang sariwain ang mga pangyayari at pangalawa, na mas mahalaga, ay matuto sa mga kahinaan o kamalian, at kalakasan o tagumpay.

Matapos ang welga sa Lepanto Consolidated Mining Company (LCMCo) sa Mankayan, Benguet noong Pebrero 2003, maraming mga video footage ang nakalap tungkol sa pang-araw-araw na pagkilos ng mga manggagawa, mga pamilya at tagasuporta nila hanggang noong kaigtingan ng welga. Maraming mga organisasyon at mga indibidwal ang nagtulung-tulong upang mairekord and mga mahahalagang sandali sa kilos ng mamamayan sa piketlayn at sa paligid ng Lepanto.

Sa di inaasahang pangyayari, sa gitna ng marahas na dispersal ng Philippine National Police (PNP) sa mga nagwewelga, hindi nakaligtas sa mata at kamay ng mga pulis ang video camera ng isang manggagawa na noon ay vini-video ang pandarahas sa mga welgista. Inagaw sa kanya ang camera at sinira pa ito. Ang camera naman ng ating taga-dokumento ay kinuha rin ng mga pulis o ahente ng militar at sinira rin nila ang film. Wala tayong nakarekord ngayon na patunay ng marahas na dispersal kundi ang paulit-ulit na pagsasalaysay o pagkwento ng pangyayaring iyon dahil malinaw na nakarekord iyon sa ating alaala.

Sa kabilang banda, napasakamay naman natin ang ilang footage na kinuha ng mga ahente ng kumpanya habang kinikunan nila ang kilos ng mga nagwewelga, at mismong galaw nila sa loob ng opisina habang binabantayan ang welga.

Ang 25 minutong video production na ito ng Northern Horizon ay inipong mga larawan ng isang pagkilos ng mga manggagawa na sana ay kapupulutan ng aral at inspirasyon. Ito ay ibinabalik sa mga nakisangkot sa pagkilos upang lubos nilang maunawaan ang naging dahilan at bunga ng gayong pagkilos. At ito ay ambag o tulong ng mga manggagawa ng LCMCo sa iba pang minero at manggagawa sa iba pang mga minahan o pagawaan na dumaranas din ng ibayong pagsasamantala.

Maaaring maulit ang kasaysayan sa iba’t ibang antas o paraan. Maging halimbawa sana ang welga sa Lepanto kung paano pa natin pahuhusayin at paiigtingin ang pakikibaka ng kilusang manggagawa. # via NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next