|
NORDIS
WEEKLY December 5, 2004 |
|
Previous | Next |
||
Papalalang pagsasamantala sa manggagawa ng Cordi, iniulat |
||
BAGUIO CITY (Dis. 3) — Ibinahagi sa All Workers Forum ng Kilusang Mayo Uno (KMU)-Cordillera nitong Nobyembre 30 na papatindi ang pagsasamantala sa mga manggagawa sa rehiyon maging sa syudad na ito. Ayon kay Lorico “Ka Jun” Espejo ng KMU-Cordillera, papalaki ang halaga ng tantos ng pagsasamantala o rate of exploitation sa mga manggagawa sa rehiyon. “Ang aktwal na lakas-paggawa na iginawad ng manggagawa sa isang araw ang siyang halaga na dapat niyang sinasahod,” banggit ni Espejo. Ang tantos ng pagsasamantala ay tumutukoy sa di bayad na halaga ng lakas paggawa ng isang manggagawa sa isang araw. Nasa P200-P205 ang average na sahod dito, samantalang P537 dapat ang tinatanggap ng manggagawa, ayon sa KMU. Iniulat naman ni Rodel Laroza ng Agro Foods Employees Union (AFEU) na P192.50 lamang kada araw ang tinatanggap ng bawat manggagawa sa Agro Foods Inc. sa La Trinidad, Benguet. Sa Philippine Rabbit Bus Lines (PRBL) dito sa syudad, binanggit ni Bernard Visaya, executive secretary ng Philippine Rabbit Employees Union (PRBEU) na P224 kada araw ang kinikita ng mga manggagawa sa naturang kumpanya. “Ang ilan sa aming mga kasamahan ay may 30 hanggang 40 taon nang nagtatrabaho dito, pero hanggang ngayon, P224 per day pa rin ang kinikita nila”, aniya. Ayon kay KMU National Deputy Secretary General Lito Ustares, P467 ang kailangan ng isang pamilyang may anim na kasapi upang mabuhay sa isang araw. Dahil sa inflation rate, nararapat umano na madagdagan ng P137 ang sahod ng mga manggagawa. “Ni barakong kape nga, hindi pa mabili”, pabirong tugon naman ni Espejo. Kontraktwalisasyon Sa ibinahaging panrehiyong kalagayan ng paggawa, binanggit ni Espejo na maraming manggagawa ang patuloy na nawawalan ng ikinabubuhay dahil sa malawakang kontraktwalisasyon, na siyang kalakaran sa maraming kumpanya ngayon. Ayon naman kay Ustares,dahil sa paggamit ng mga makina ay 40 oras kada linggo ang nakakaltas na sa oras ng paggawa ng mga manggagawa. Bumaba ng 1.6% ang lakas paggawa sa pambansang antas nitong taon dahil sa malawakang mekanisasyon, aniya. Assumption of jurisdiction Pinuna ng mga KMU lider ang panghihimasok ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa mga labor dispute sa bansa sa pamamagitan ng assumption of jurisdiction (AJ) order ng Department of Labor and Employment (DOLE). Ilan sa mga binabaan ng DOLE ng AJ ay ang Nestle Philippines sa Cabuyao, Laguna kung saan mahigit isang taon nang nakawelga ang mga manggagawa; ang Lepanto Consolidated Mining Company (LCMCo) sa Mankayan, Benguet, at ang pinakahuli, ang Hacienda Luisita Inc. (HLI) sa Tarlac. Nakamit ng mga manggagawa ng Lepanto Employees Union (LEU) ang kanilang mga kahilingan laban sa management ng LCMCo. Ang mga manggagawa naman ng Central Azucarera de Tarlac Labor Union (CATLU) at United Luisita Workers Union (ULWU) ay patuloy na nakawelga. Kung tutuusin, lehitimo ang mga kahilingan ng mga manggagawa at ang mga dahilan ng kanilang pagwewelga, ayon kay Ustares. Kinondena ng KMU ang pandarahas ng estado at militar sa mga manggagawa ng HLI. Sa kasalukuyan ay idinaraos ang mga court hearing hinggil dito. Malawak din umano ang international support na naani kaugnay ng mga isyu ng CATLU at ULWU. Sa gitna ng pabulusok na kabuhayan sa bansa sanhi ng globalisasyon, nanawagan ang KMU sa mga manggagawa na patuloy na mag-organisa at magpalawak. “Kumilos tayo at kunin ang nararapat batay sa lakas paggawa na ibinibigay natin sa mga kumpanya”, hamon ni Espejo. Ang All Workers Forum ay isinagawa sa pakikipagtulungan sa Cordillera Wokers Alliance. Inilunsad din sa forum ang “Sa Bisig ng Manggagawa,” isang video production ng Morthern Media Information Network (NMIN)hinggil sa welga sa Lepanto noong 2003. Mula sa forum, ang mga manggagawa kasama ang iba pang sektor sa syudad ay nagsagawa ng torch parade bilang paggunita sa ika-135 kaarawan ni Andres Bonifacio. Si Bonifacio ay mula sa uring anakpawis na nagtaguyod sa interes ng aping mamamayan at namuno sa Rebolusyong 1896. # ATB para sa NORDIS |
||
Previous | Next |