|
NORDIS
WEEKLY November 28, 2004 |
|
Previous | Next |
||
Meningococcemia, di na dapat ikabahala --- DOH |
||
BAGUIO CITY (Nov.20) — “Huwag masyadong maalarma sa sakit na meningoccomia dahil ito’y kayang gamutin”. Ito ang pahayag ng mga lokal na opisyal at mga kawani ng Department of Health (DOH), at manggagamot sa iba’t- ibang ospital dito sa syudad. Ang mga residente sa syudad at probinsiya ng Benguet ay naaalarma sa sunud-sunod na pagkamatay ng limang katao dahil sa sakit na meningococcemia mula noong Nobyembre 16 hanggang 19. “Ang sakit na meningoccemia ay nakukuha sa bacteria na Neisseria Meningitides na matatagpuan sa ating lalamunan. Kung mahina ang resistansya ng isang tao puwede siyang magkaroon nitong sakit”, ayon kay Dr.Florence Reyes, Baguio City health officer. Simula noong Marso ng taong kasalukuyan, may naitalang 17 kaso ng naturang sakit, at mula sa nasabing bilang, 9 ang namatay. Dahil dito, nakaalerto na ang infection control unit ng Baguio General Hospital (BGH), Baguio Medical Center (BMC), St. Louis Hospital of the Sacred Heart at Benguet General Hospital (BeGH). Dagdag pa ni Reyes na hindi dapat mabahala ang mga tao dahil may gamot ang sakit na ito at ang importante ay panatiliing malakas ang resistansiya ng katawan,at iwasan ang mga mataong lugar gaya ng mga ospital, inuman at panatiliin ang kalinisan at kalusugan para makaiwas sa sakit. Sabi pa ni Reyes na hindi dapat basta- basta umiinom ng gamot bilang prophylaxis dahil ito ay para lang sa mga taong nagtratrabaho sa ospital na tuwirang nakikihalubilo sa mga may sakit. “Hindi tayo basta mahahawaan sa sakit na ito pero dapat din tayong mag-ingat dahil ito ay fulminant o nakakamatay”, sabi niya. Ayon naman kay Dr. Myra Cabotaje, ng DOH Central Office, hindi lang dito sa Baguio may ganito, kundi pati sa iba’t –ibang panig ng Pilipinas. “Nakahanda kaming tumulong sa mga taga-Baguio at gagawin namin ang aming makakaya. Sa katunayan, ibinaba na sa Maynila ang mga samples para tingnan kung talagang menigoccocemia ang sakit na ito”, banggit niya. Kung may nararamdaman na sakit ng ulo o sipon, huwag kaagad uminom ng gamot, kumonsulta muna sa duktor upang di lalong mapahamak, dagdag ni Cabotaje. Ayon naman kina Vice Mayor Reynaldo Bautista at Councilor Rodolfo Balahadia, gagawin ng komite ng environment and health ang lahat ng kanyang makakaya para makatulong sa problemang ito. “Nagbuo kami ng isang help desk para magbigay ng impormasyon sa mga tao at ito ay 24 oras na matatawagan sa telephone number 442 -1901. Ang mga kapitan ng barangay ay nabigyan na ng mga poster na ikakalat sa buong syudad para magbigay-impormasyon sa mga tao”. Nagkaroon na rin diumano ng city health response team na magbubukas ng mga pampublikong klinika tuwing Sabado at Linggo para makatulong sa mga tao ukol sa naturang sakit. Sa ginanap na regular session ng konseho noong Lunes, hiniling ng mga kinatawan ng City response team na sina Nicolas Tabora mula sa tourism sector at sina Dr. Celiaflor Brillantes at Da. Clavio mula sa DOH na sana magbigay ng pondo ang lokal na pamahalaan ng lungsod P1.3 milyon para sa pagbili ng kinakailangang pasilidad na panlaban sa sakit na meningococcemia. Ayon kay Brillantes, kailangan din ng pondo para sa daan-daang health workers sa iba’t ibang barangay na kasalukuyang naghahanap ng mga naging close contacts ng naturang sakit. Tiyak diumano na kontrolado na ang naturang sakit dahil isa–isa nang na trackdown ang lahat ng mga nakasalamuha ng mga may sakit pati na ang kanilang kamag -anak at kakilala. Dagdag pa ni Brillantes na ipinagbabawal ng Presidential Decree 856 o sanitation code ang paglaan ng serbisyo ng mga funeral parlors sa mga namatay sa infectious diseases. Kabilang na dito ang meningococcemia at AIDS. Sa probisyon ng sanitation code ay “dapat ilibing ang namatay sanhi ng infectious disease sa loob ng 24 hours para maiwasan ang pagkalat nito”, sabi pa ni Brilllantes.# Johnny Fialen para sa NORDIS at report nina Robert Tabay at Rowena Caccam ng DZEQ |
||
Previous | Next |