|
NORDIS
WEEKLY November 28, 2004 |
|
Previous | Next |
||
Tigil pasada sa Baguio, Benguet tagumpay --- PISTON |
||
BAGUIO CITY (Nov. 26) — Bagamat hindi naparalisa ang kalakhan ng transportasyon dito sa Baguio-Benguet kahapon, sinasabi naman ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON)-Metro Baguio na mas marami ang tumugon sa panawagang tigil pasada ngayon kaysa noong nakaraang Marso. Ayon kay Ignacio Pangket ng PISTON, may limang karagdagang organisasyon ng mga tsuper at operator na sumama sa tigil pasada, ang organisasyon ng mga tsuper at opereytor ng Baguio-La Trinidad Bokawkan group. Noong nakaraang strike ay pumasada ang mga ito na may suot na black ribbon bilang tanda ng pagsuporta, paliwanag ni Carlito Wayas, tagapangulo ng PISTON dito. Sumuporta din sa tigil-pasada ang isang organisasyong napapabilang sa linyang Baguio-La Trinidad Magsaysay group. Naparalisa pa rin ng strike kahapon ang red trunk line tulad noong nakaraan. Ang nasabing linya ay kinabibilangan ng biyaheng Pacdal, Mines View, Maria Basa at Beckel. Sa isang programa nitong Nobyembre 25, ipaliwanag ng PISTON ang isinagawang strike. Hinikayat din nila ang iba pang tsuper na tumugon sa tigil pasada.Iginiit ni Wayas na hindi lang ang mga tsuper at operator ang makikinabang sa ibubunga ng kilos protesta dahil lahat naman ay apektado sa pagtaas ng presyo ng langis. Ayon kay Pangket, ang nakaraang tigil pasada ay naglalayong igiit ang pag-roll back ng presyo ng langis at pagbasura sa Oil Deregulation Law. Ang nasabing batas ang nagtanggal ng kapangyarihan ng pamahalaan upang kontrolin ang pagtaas ng presyo ng langis. Dagdag pa niya, nawalan na ng saysay ang napagtagumpayang dagdag pamasahe dahil sa walang humpay na pagbulusok ng presyo ng langis nitong mga nakaraang buwan. Sa katunayan, aniya, bago pa man maipatupad ang karagdagang P1.50 sa pamasahe noong Hunyo ay nilamon na ito ng dalawang magkasunod na oil price hikes. Sa loob lamang ng 10 buwan ay 14 beses nagtaas ang presyo ng langis kaya lalong nawalan ng kita ang mga tsuper, aniya. Sa bawat P0.40 na itinataas ng presyo ng langis ay P10.00 ang naikakaltas sa kita ng tsuper. 90% paralisado sa Pangasinan Samantala, mahigit 90 % ang lumahok sa isinagawang tigil pasada noong huwebes sa pamumuno ng PANGASINAN PISTON. Lumahok ang iba’t ibang tsuper, opereytor at samahan ng mga pampublikong sasakyan tulad ng jeepney, bus at minibus, tricycle, at maging mga van. Umaga pa lamang ay suspendido na ang kalakhan ng mga klase sa elementarya hanggang kolehiyo at maging sa ilang opisina at pribadong establisimiento. Ang isinagawang tigil pasada ay bilang pagtugon sa pambansang panawagan upang tutulan ang tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis. “Paborable ang halos 100 porsyentong paglahok ng mga namamasadang sasakyan upang ipadama sa gobyernong Arroyo ang pagkakaisa ng sektor ng transportasyon sa pagtutol sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis na pabigat hindi lamang sa mga tsuper at opereytor kundi maging sa lahat ng mamamayan,” Pahayag ni Benny Aquino, tagapangulo ng panlalawigang balangay ng PISTON. Ipinanawagan din ng grupo ang pagrolbak sa presyo ng langis, pagbabasura sa Oil Deregulation Law at pagsasabansa sa industriya ng langis. Ayon kay PISTON-Pangasinan Secretary General Gerry Sarmiento, bagamat inilunsad na ang isang araw na tigil pasada, maaring maulit nang ilang beses ang pag-strike at magsasagawa pa sila ng patuloy na pagkilos hanggat hindi natutugunan ng gobyerno ang kanilang mga hinaing. Aniya, “Nakakalungkot na magbibigay ng diskwento ang Petron, Caltex, at Shell kung kailan magsasagawa na ng tigil pasada”. “Kulang pa nga ang iniaalok na 50 sentimong diskwento para makaraos ang tsuper sa kanilang pangaraw-araw na buhay”, dagdag niya. Madaling araw ng Huwebes ay nasa mga himpilan na ang mga tsuper, opereytor at opisyales ng mga transport groups upang parahin ang mga pumapasada pang sasakyan at hikayatin ang mga tsuper at mga sakay nito na makiisa sa isinagawang kilos protesta. Naging mapayapa naman sa kabuuan ang nasabing tigil pasada bagamat inireklamo ng mga kalahok sa San Fabian ang pagpapahinto ng hepe ng pulis ng San Fabian, kasama ang mahigit 12 na pulis sa ginagawang pagpara at pagkausap sa mga bus na dumadaan. Ayon kay Boy Juguilon, presidente ng asosasyon ng jipney sa San Fabian, “Malinaw naman na mapayapa ang aming ginagawa, walang pilitan o pwersahan. Yung iba ay nakikiisa at bumabalik samantalang ang ilan na pumiling tumuloy sa paghatid ng pasahero ay pinatutuloy naman. Kung bakit kami pinipigilan ng hepe”. “Dapat ay magbantay lang ang mga pulis na walang harassment at kaguluhan na mangyayari. Ang pagpapahinto nila sa amin ay harassment dahil wala naman kaming ginagawang masama”, ani ng isang myembro ng asosasyon. Nagsagawa naman ng programa ang Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN)-Pangasinan at iba pang kaalyadong organisasyon upang irehistro ang pakikiisa ng taumbayan sa ginawang tigil pasada. Ang nasabing programa ay isinagawa sa harap ng CSI Market Square sa Dagupan at gayundin sa Urdaneta dakong alas-4:30 ng hapon. Sabi ni Baby Panopio ng BAYAN-Pangasinan, “Ang isyu ng oil price hike ay isyu ng buong mamayan dahil ang lahat ay apektado at naghihirap dahil dito. Kung kaya’t kasama ang buong taumbayan sa pagkalampag sa pamahalaan hinggil sa isyung ito”. “Kailangang singilin at pagbayarin ang rehimeng US-GMA at ang monopolyong kartel sa langis na ginagawang gatasan ang sukdulan nang naghihirap na mamamayan”, dagdag niya. # Kim Quitasol at Joaquin del Rosario para sa NORDIS |
||
Previous | Next |