NORDIS WEEKLY
November 7, 2004

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Pagbabasura, pinagkakakitaan

BAGUIO CITY (Nob. 3) — Dahil sa papatinding kahirapan sa buong bansa, dumarami na sa ating mga kababayan ang nagpupulot ng basura sa mga kalye at basurahan nang magkapera. Marumi man at mabaho, ito naman ay nangangahulugan ng malaking pera para sa kanila.

Mapagkakakitaan

Si Jimmy ay 40 taong gulang at dating drayber dito sa syudad. Aniya, “Noong una nahihiya akong mamulot ng basura dahil panay ang tingin ng mga tao. Pero nagpakatatag ako at nagpakapal ng mukha para mabuhay. Sa pagmamaneho kaunti lang ang kita at halos wala pang mabaon ang mga bata sa pagpasok. Na-engganyo akong mamulot ng basura dahil nakikita ko ang aking mga kapitbahay na laging may pera kahit basura lang ang kanilang hanapbuhay.Sa gabi ako namumulot ng basura kasi walang masyadong tao at kaunti lang ang namumulot”, dagdag niya.

Tatlong buwan na sa hanapbuhay na ito si Jimmy, at masasabi niyang malayong mas malaki ang kanyang kita kumpara sa isang drayber. “Ang pinakamalaking kinita ko ay P11,000 sa isang buwan at ang pinakamababa ay naman P9,000”, banggit niya.

Sa isa namang panayam ng NORDIS kay Mary Bastian, 49, “limang taon na ako sa pagbabasura dito sa Baguio at dito nagmula ang pinangpa-aral sa mga anak namin – isang kolehiyo, dalawang high school, at isang elementarya. Ang mga anak ko ay tumutulong kapag Linggo at Sabado para may baon sila sa eskwela. Ito lamang ang hanapbuhay naming mag-asawa. Kumikita ako ng mula P450-500 kada araw. Ang asawa ko ay may buwanang kita ng mula P12,000 to P13,000 sa kanyang pagbebenta ng basura.”

Ang lata ay mula P55-60/kilo, karton ay P15-20/kilo, at dyaryo ay P25/kilo.)

Sanhi: kahirapan

Ayon sa obserbasyon ni Alicia, 61, ng Brgy. Pinget dito, dumami na ang mga namumulot ng basura dahil sa hirap ng buhay.

“Medyo lumiit din ang kita dahil matanda na ako at mas mabilis ang iba kung kumilos. Nasa P300-400 na lang ang kita ko sa isang araw, pero noon ay umaabot sa P600-700”, pagsasalaysay niya.

Idinagdag niya na dalawa sa anak niyang nakatapos ng pag-aaral at nakapasa ng board ay wala pa ring trabaho hanggang ngayon kaya namumulot na rin sila ng basura at kumikita ang isa ng P13,000 isang buwan. “Kung sinuwerte naman sila at medyo madami ang napulot na basura ay aabot pa sa P15,000.”

Marami umanong empleyado ng gobyerno ang naiinggit sa kanila ngunit nahihiya namang mamulot ng basura.

“Kahit ganito lang ang pera namin buwan-buwan ay kuntento na kami pero sa paglipas ng araw, buwan, at taon ay siguradong dadami ang mga magbabasura at siyempre liliit din ang kita namin”, banggit ni Aling Alicia.

Para sa kanila, dadami pa ang mga magbabasura dahil sa hirap ng buhay. # Johnny Fialen para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next