NORDIS WEEKLY
October 31, 2004

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Pangisdaan ng Pangasinan, kontrolado na

DAGUPAN CITY, Pangasinan (Okt. 27) — Halos hindi mapakinabangan ng mga maliliit na prodyuser ng bangus fingerlings ang 300 square meters na sukat kada fish pen na inilaan ng Dagupan City Coastal Fisheries and Aquatic Resources Management para sa Aquaculture Management Lease (ALA). Sa ipinatupad na Revised Fisheries Code blg. 1768-2003 noong Agosto, 10% na lamang ng katubigan ng lunsod ang magagamit para sa pangingisda.

Ang implementasyon ay batay sa Local Government Code of 1991 at Fisheries Code of 1998 na may layuning panatilihing produktibo ang mga pangisdaan sa lunsod. Bahagi ng niribisang ordinansa ang pagpapatupad sa ALA na nagbibigay-pahintulot sa mga lokal na opereytor na magamit ang mga pangisdaan sa lunsod.

Kamakailan lamang ay inireklamo ng ilang opereytor ang inilaang 300 square meter na sukat kada fish pen sapagkat hindi umano ito sumasapat sa pangangailangan nila. Ayon sa mga ito, ang sukat na ito ay makakapagprodyus lamang ng tinatayang 4000 hanggang 5000 bilang ng bangus. Ipinapanukala ang 500 square meter na sukat kada fish pen na ayon sa mga opereytor ay maaaring makapagprodyus ng higit 10,000 bangus.

Sinimulan nitong Agosto ang pagtanggap para sa aplikasyon sa ALA para sa maliliit na opereytor, ngunit ayon sa mga naghain ng reklamo, ang 1000 bilang ng inaasahang magpapasa ng aplikasyon ay bababa sa humigit-kumulang 200 lamang. Ito ay dahil sa limitadong sukat ng mapapangisdaan.

Inireklamo din ang hindi pa natutukoy na erya kung saan itatalaga ang pagpapatayo ng mga istrukturang pampangisda. Sa kasalukuyan, hindi pa malaman ng mga opereytor kung saan-saan itatalaga ang mga ito. Sa ilalim ng niribisang ordinansa, maglalaan ng 10 zones sa lunsod kung saan maaari lamang mapangisdaan. Ang mga istrukturang matatagpuan sa labas ng itinalagang erya ay mapipilitang gibain ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Dagupan Mayor Benjie Lim, upang tugunan ang suliranin ay hihimukin ang mga lokal na opereytor na magtayo ng mga kooperatiba na siyang magtatalaga ng kani-kaniyang erya at siya na ring magtitiyak na masusunod ang mga nakasaad na panuntunan sa ordinansa.

Ang ordinansa ay sang-ayon sa programa ng lokal na gubyerno hinggil sa planong gawing sentro ng kalakal ang bangus. Ayon sa mga opereytor, upang lubos itong mapakinabangan, kailangang baguhin ang limitadong sukat na 300 tungo 500 square meters kada fish pen. # En de la Cruz para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next