NORDIS WEEKLY
October 24, 2004

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

‘Bura-utang’ ng magsasaka, ikinampanya sa Cagayan

BAGGAO, Cagayan (Okt. 18) — Nagkaisa ang mga magsasaka dito kamakailan na ilunsad ang kampanyang binansagan nilang “50% pataas bura-utang” sa mga pangunahing mangangalakal sanhi ng usura. Kabilang sa deklarasyon ng mga magsasaka ang bawas sa interes na 50% pababa sa mga pagkakautang.

“Makatarungan lamang ang mga kahilingan naming ito dahil talagang sakal na sakal na ang mga magsasaka rito sa usura,” ani Alexander Santiago, tagapangulo ng Kagimungan, organisasyon ng mga magsasaka sa lalawigang Cagayan.

Kalahok ang humigit-kumulang 70 magsasaka sa pangunguna ng Kagimungan, isa-isa nilang pinuntahan ang mga pangunahing trader sa Centro Tallang upang ihapag ang mga kahilingan nila.

Di lugi ang traders

Ang panukalang “bura-utang” ay hindi umano magdudulot ng pagkalugi sa mga trader dahil “matagal na nilang ginagatasan” ang mga magsasaka sa pamamagitan ng mataas na interes ng pautang. “Magsasaka ang nagpapayaman sa kanila kaya kailangan nilang tulungan ang mga magsasaka. Hindi nila mapipiga ang mga magsasaka dahil talagang wala silang makukuha,” dagdag ni Santiago.

Pagkakautang dahil sa bagyo

Matatandaang inilagay ng gubyerno ang Cagayan sa ilalim ng state of calamity dahil sa pinsalang idinulot ng super-bagyong “Igme” at mga sumunod pang bagyo na matinding naminsala sa mga pananim. Maraming magsasaka ang nabaon sa pagkakautang sa mga nabanggit na trader upang ipanggastos sa muling pagpapanariwa ng mga pananim.

Ayon kay Santiago, hindi kasali ang mga naunang inutang ng mga magsasaka bago dumating ang bagyong Igme. Nilinaw rin niya na hindi kasali ang mga nautang sa personal na pangangailangan.

Nagbabala rin ang mga magsasaka na iboboykot nila ang sinumang trader na hindi susunod sa kanilang deklarasyon at tuluyan na nilang hindi babayaran ang kanilang utang. # Michael Agonoy para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next