NORDIS WEEKLY
October 24, 2004

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Tangkang tax evasion ng Napocor, di lumusot

LINGAYEN, Pangasinan (Okt. 23) — Hindi lumusot ang paliwanag ng National Power Corporation (Napocor) hinggil sa pagbabayad nito ng Real Property Taxes sa lokal na pamahalaan para sa operasyon ng Sual Coal-Fired Power Plant dito.

Ayon sa Napocor, sapagkat pinatatakbo ito ng estado, hindi dapat ito singilin ng buwis para sa operasyon ng naturang planta. Ngunit hindi ito tinanggap ng Central Board of Assessment Appeal (CBAA) sapagkat ayon dito, ang Napocor ang hindi tunay na nagmamay-ari, nagpapatakbo at nangangalaga sa planta kundi ang Mirant Philippines na isang dayuhang investor. Maipapasa ang pagmamay-ari sa Napocor pagkatapos pa ng 25 taon.

Ang Sual Power Plant ay nasa ilalim ng iskemang build-operate-transfer (BOT) at nagsimulang mag-operasyon dakong huli ng dekada nobenta. Tumigil sa pagbabayad ang Mirant at Napocor simula noong isang taon.

Umaabot sa humigit-kumulang P74 milyon ang kailangang bayaran ng Mirant at Napocor sa lokal na pamahalaan. Makikinabang sa naturang halaga ang bayan ng Sual at lokal na pamahalaan ng Lingayen na may 35 % bawat isa, at ang Brgy. Pangascasan na may 30 %.

Samantala, inirereklamo ng mga komunidad sa paligid ng gulpo ng Lingayen ang patuloy na operasyon ng power plant. Partikular sa mga barangay Maceleeng at Sablig sa bayan ng Anda, at Baquioen sa Sual sapagkat nagdudulot umano ito ng polusyon sa katubigan na nagiging sanhi ng pagka-ubos ng yamang-dagat. # Jong de la Cruz para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next