|
NORDIS
WEEKLY October 24, 2004 |
|
Previous | Next |
||
“Patalsikin si Gloria!” |
||
Sigaw ng mga magsasaka ng Isabela ILAGAN, Isabela (Oct. 22) – Bilang paggunita sa Linggo ng Magsasaka, nagmartsa noong Oktubre 19 ang mga magsasaka kasama ang maralitang tagalungsod, taong-simbahan, guro, kababaihan at kabataan mula Bonifacio Park patungong Ilagan Old Public Market. Nanawagan sila na patalsikin si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, at itigil ang demolisyon at militarisasyon sa kanayunan. Dumako at nagsalita rin si Isabela Governor Grace Padaca sa kilos-protestang ito. Sa mga talumpati, ipinagdiinan ng mga magsasaka na walang dapat ipagdiwang dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin pinakikinggan ng pamahalaan ang mga matagal na nilang karaingan. Sa halip, lalo nitong pinaboran ang mga malalaking tao katulad nina Eduardo “Danding” Cojuangco at dating Gobernador Faustino Dy Jr. – na siyang makikinabang sa coal mining at cassava project sa probinsya. Mariing tinutulan ng mga magsasaka ang proyektong food coupon ni Arroyo dahil isa umano itong insulto sa kanila. Hindi raw ito ang makakasagot sa pangangailangan ng mamamayan sa kasalukuyan, lalo sa ipinaglalaban nilang mga karapatan sa lupang sinasaka. Ayon sa Danggayan Cagayan Valley, alyansang magsasaka sa Region II, wala silang maasahan sa kasalukuyang administrasyon dahil bulag ito sa kalagayan ng mga magsasaka sa buong bansa. Iginiit ng Danggayan-CV na sumapit na ang tamang panahon para patalsikin ang administrasyong Arroyo. # Michael Agonoy para sa NORDIS |
||
Previous | Next |