NORDIS WEEKLY
October 17, 2004

 

Home | To bottom

Previous | Next
 

Residente ng Pangasinan, apektado ng bangus processing plant

DAGUPAN CITY, Pangasinan (Okt. 15) — Tila hindi na mapipigilan pa ang lokal na yunit ng pamahalaan dito sa pagbibigay daan nito sa kontrobersyal na Bangus Processing Plant (BPP).

Ito ay matapos na likhain ni Alkalde Benjie Lim, sa pamamagitan ng Executive Order no. 101 ang Special Survey and Planning Team para sa paghahanda ng apektadong baranggay ng Bagong Barrio sa Gueset kung saan itatayo ang proyekto. Bukod sa Bagong Barrio, kabilang sa lugar na tatamaan ng dislokasyon ay ang Bonuan, Binloc.

Ang grupo ay kinapapalooban ng Commission on Urban Poor, City Environment and Natural Resources (CEBRO) at mula sa pribadong sektor. Partikular sa mga tututukan nito ay ang tinatayang 10.375 ektarya ng lupa sa Bagong Barrio, 81 ektarya sa Bonuan, Binloc at relocation site para sa Dawel-By-Pass-Lucao Diversion Road. Ayon sa LGU, ang industriya ng bangus na pagkakakilanlan sa Dagupan ay mabisang kapital para sa ekonomiya ng lunsod. Ang BPP ay nagkakahalaga ng halos P160 milyon. Sasakop ito ng 4,500 square meters na lupain at may kapasidad sa produksyon na 15 metriko tonelada kada araw o 60,000 piraso ng bangus. Tinatayang kikita ang pamahalaan dito ng P3 milyon kada araw o P1 bilyon kada taon.

Patuloy naman itong tinututulan ng mga apektadong residente ng Bagong Barrio sapagkat hindi umano mamamayan ang makikinabang sa proyekto kundi ang ilang ‘matatabang isda’. Ilan mula sa pribadong sektor ang napabalitang may malaking inilagak na kapital para sa proyekto. Ayon sa mga residente, ang malalaking may-ari ng pangisdaan lamang sa Dagupan ang tiyak na uunlad samantalang sila ay mabibigyan lamang ng kontrakwal na trabaho sa deboning at manufacturing.

Samantala, wala pang tiyak na relocation site para sa mga apektadong residente. Natatakot ang mga itong matulad sa mga nademolish na mamamayan sa Tondaligan. Kahit na nilikha na ang Task Force on Housing for Squatters’ Relocation (TFHSR) ng LGU kamakailan lang, pinagdedebatehan pa rin sa kasalukuyan kung dapat bang magawaran ng relocation site ang mga ‘iskwater’ na napalayas mula sa isang pribadong pagmamay-ari.# Jong dela Cruz para sa NORDIS


Home | Back to top

Previous | Next