|
NORDIS
WEEKLY October 17, 2004 |
|
Previous | Next |
||
Yamang
dagat ng Lingayen Gulf, nauubos na |
||
SUAL, Pangasinan (Okt. 15) — Unti-unting nakakatawag sa pansin ng mga lokal na mangingisda sa mga komunidad sa paligid ng Lingayen Gulf na nauubos ang yamang-dagat dahilan sa dalawang bagay: ang patuloy na operasyon ng Sual Coal-Fired Power Plant at ang dominasyon ng dayuhang mangangakal sa pangisdaan. Ayon kay Romero Pagauan, 22, residente ng Brgy. Baquioen ang polusyon sa hangin at tubig dulot ng usok mula sa planta ay may malaking epekto sa pagkasira ng natural na kapaligiran na nagbubunsod ng unti-unting pagkaubos ng mga isda. Suportado ang pahayag ng mga lokal na opisyal ng baranggay Macaleeng at Sablig ng bayan ng Anda na nagbunyag sa pagtatapon ng coal-waste na nanggagaling sa planta. Tone-toneladang abo ng uling ang ibinabasura sa karagatan tuwing gabi ilang kilometro lamang ang layo sa Hundred Islands. Paulit-ulit umano ang pagtatapon kung kaya’t lumalayo ang mga isda sa bahagi ng karagatan na hindi kayang abutin ng mga lokal na mangingisda. Ang Sual Power Plant ay pinapatakbo ng Mirant Corporation at tinatayang nakakalikha ng kuryenteng umaabot sa 1,200 megawatts. Bahagi ng naiilawan nito ay Hilagang Luson kabilang ang lunsod ng Maynila. Kamakailan ay pinatawan ito ng halagang 50 milyong utang sa buwis ng lokal na pamahaalan ng probinsya. Samantala, tiim-bagang ang mga residente ng Baquioen sa pagkontrol ng mga dayuhang mangingisda sa karagatan. Sa salaysay ni Pagaduan, noong 1995 unang dumating ang mga dayuhan mula sa mga bansang Tsina at Hapon na lulan ng malalaking sasakyang-pandagat. Dito nagsimulang magtayo ng sariling fish cages at iba pang pasilidad ang mga dayuhan at sumakop sa malaking bahagi ng karagatan. May humigit-kumulang 30 fish cages na pagmamay-ari ng mga dayuhan sa kasalukuyan. Ayon sa ilang residente, hindi lalagpas sa 50 metro ang layong maaaring pangisdaan ng mga lokal na mangingisda. Tuwing may bagyo, tila pyesta umano sa paglalabasan ng mga nakahulagpos na isda mula sa mga nasisirang pasilidad ng mga dayuhang mangangalakal. Sa mga panahong ito lamang sila ‘nakakabawi’ umano dahil buong taon ay kontrolado ng mga dayuhan ang malalaking pangisdaan. Naging mailap sa pakikipanayam ng NORDIS ang isang Tsinong kilala sa tawag na ‘A Hong’. Si A Hong, ayon sa mga residente, ay isa sa mga dayuhang napadpad sa lugar at nakapagtayo ng sariling pangisdaan. Karaniwan sa mga trabahong pinapasa sa mga lokal ay pagpapakain sa isda ngunit binabawalan sila tuwing ‘aanihin’ na ang mga ito. Mga trabahador mula sa Visayas ang itinatalaga para rito.# Jong dela Cruz para sa NORDIS |
||
Previous | Next |