|
NORDIS
WEEKLY October 10, 2004 |
|
Previous | Next |
||
Konseho
ng kabataan sa Pangasinan, bubuuin |
||
LINGAYEN, Pangasinan (Okt. 7)—Binatikos ng mga militanteng grupo ng kabataan ang kawalang-interes ng ilang myembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) dito sa pagbubuo ng isang konseho para sa kabataan sa ilalim ng lokal na pamahalaan para sa mga programa para sa kabataang Pangasinense. Iginiit ng Anak ng Bayan Partylist-Pangasinan, at mga lokal na balangay ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP) at National Union of Students of the Philippines (NUSP) na dapat bigyang-tuon ang kalagayan ng kabataan sapagkat hindi sapat na natutugunan ng Sangguniang Kabataan (SK) at National Youth Commission (NYC) ang mga pangangailangan sa lokal na antas. Nakipagpulong kay Board Member Von Mark Mendoza, may akda sa panukalang resolusyon, ang mga kinatawan ng mga militanteng grupo upang rebyuhin ang mga probisyon ng panukalang resolusyon. Nagkaisa ang dalawang panig na may pangangailangang bumuo ng isang konseho ng kabataan sa probinsya. Ayon kay Mendoza, matagal nang ipinapanukala ang pagbubuo ng konseho ngunit may pag-aalinlangan sa lokal na pamahalaan na baka dumausdos ang papel ng SK sa pagpapatupad ng programa sa kabataan. Ayon sa mga militanteng grupo, malinaw na hindi sumasapat ang mga institusyong pangkabataang binuo ng pamahalaan kung kaya’t ang panukalang Local Youth Development Council (LYDC) ang dapat tumiyak na komprehensibong matutugunan ang mga agenda ng kabataan sa lokal na antas. Kinwestiyon ng ibang myembro ng SP ang 5% automatic appropriation para sa LYDC sa taunang badyet ng probinsya na tinatayang aabot sa humigit-kumulang P50 milyon. Ayon kay Mendoza, ang 5% ay hindi kukunin sa taunang badyet kundi kakalapin mula sa mga hindi nagagamit na pondo mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan. Kailangan lamang umanong i-rechannel ang mga ito upang i-prayoridad ang sektor ng kabataan. Ang usapin ng mataas na badyet ayon naman sa mga militanteng kabataan ay dapat na igiit sa pambansang gubyerno upang bigyang-tuon ang mga batayang serbisyo sa mamamayan tulad ng edukasyon. # Jong de la Cruz para sa Nordis |
||
Previous | Next |