Maip-ipit ti mannalon, agap-apit ti kapitalista: Ang krisis sa agrikultura sa Kordilyera
FEATURE| October 31, 2025
7MIN READ
Ni XIAN PATRICIO www.nordis.net
BAGUIO CITY — Nasa ipit na kondisyon ang mga magsasakang katutubo ng Kordilyera, isang rehiyong matagal nang umaasa pagsasaka para sa pagkain at kabuhayan, at sa katutubong kasanayan upang mapagaan ang gawain at gastusin ng mga magsasaka.
Patuloy ang pagtindi ng suliranin sa agrikultura. Bumaba ang presyo ng palay habang tumataas ang gastos sa produksyon, dahilan upang malubog sa utang ang maraming magsasaka. Unti-unti ring nawawala ang mga tradisyunal na sistema ng pagtutulungan dahil sa komersyalisasyon.
Kasabay nito, lumalawak ang mga proyektong umaagaw sa mga lupang taniman at sumisira sa kalikasang nagtitiyak ng patubig sa mga sakahan. Lumalala din ang korapsyon na umaagaw sa pondong dapat ay nakalaan para sa kanila. Sa ganitong kalagayan, mas lumilinaw ang panawagan para sa tunay na suporta at reporma sa agrikultura.
Ito ang mga susing usapin na tinalakay sa forum na “Agri-Kurakot” sa Baguio City Hall, Oktubre 25.
FILE PHOTO. Agriculture was the natural fallback for many Sagada locals who lost their jobs during the lockdown, as many of them had previously worked as farmers before transitioning to roles such as tour guides, shopkeepers, and transport drivers. (Sherwin De Vera)
Nagbabagong agrikultura
Sa Mountain Province, inalala ni Michael Baani ng Aliansa dagiti Pesante iti Taeng Montanyosa (Apit Mon) ang ub-ubbo–ang kultura ng pagtutulungan nh komunidad sa pagsasaka. “Noon, mayroong kaayusan. Kolektibo na gumagalaw. Mayroong ub-ubbo,” aniya.
Ang ub-ubbo ay isang sistema mutual help at support sa mga komunidad sa Kordilyera, na maihahanlintulad sa bayanihan. May iba’t iba itong katawagan tulad ng innabuyog, binnadang, at alluyon. Matingkad ito lalo na sa mga gawain para sa komunidad at sa produksyon.
Bagamat may mga lugar kung saan ito ay nanatili, unti-unti na itong naglalaho, at sa ibang komunidad ay tuluyan nang nawala. Ayon kay Michael, isa ito sa mga pangunahing epekto ng ekonomiyang nakasandig sa salapi. “Dahil sa komersyal na agrikultura sa kasalukuyan, nawala ang kolektibong paggawa sa komunidad.”
Para naman kay Gloria Pispis ng Kalinga, nakagugulat ang mistulang transpormasyon ng lalawigan bilang isang “rice granary. “Hindi lang naman palay ang produkto ng Kalinga noon,” sabi ni Gloria, isang magsasakang miyembro ng Innabuyog-Gabriela Kalinga.
Ngunit sa harap ng 3,762.9 metric tons (MT) ng bigas na nalikha ng lalawigan noong 2023, nangangamba siya aniya sa di-umanong “pag-unlad”. “Kaso nga lang ngayon, imbes na sakahan, ang gusto nilang gawin: daan. Tinabunan na nila ng bato ang mga sakahan.”
Sa Benguet, ang pinakamalaking prodyuser ng gulay sa Kordilyera na may 432,068.1 MT na ani noong 2024, ang komersalisasyon ay nagluwal ng sistemang hindi ‘organisado’.
Ayon kay Andrew Paulino Jr. ng Barangay Guinaoang, Mankayan, mahirap pagkatiwalaan ang sistema sa ating bansa. Iba sa Japan, aniya, kung saan hawak ng gobyerno ang proseso mula “farm to the government” hanggang sa pag-dispose.
Paliwanag niya, kontrolado ng mga middlemen at negosyante ang sistema sa Benguet. Mula sa trading post, dadaan ang gulay sa ahente na siyang makikipag-usap sa buyer, at may hati pa sa benta. May dagdag pang hatian kapag dinala na ito sa Maynila.
Tila nahihilo naman na ang mga magsasaka sa Apayao. Ito ang pagsasalarawan ni Nora Ayban, miyembro ng Save Apayao Peoples Organization.
Sanay sa organiko at tradisyunal na pagsasaka ang 80% ng magsasaka roon na nagtatanim ng red at pink rice. Nagbago ito nang ipakilala ng Department of Agriculture ang isang hybrid variety ng bigas mula sa China, ang Longping.
“Mas gusto daw ng mga buyers ang Longping. Ito din ang binibili ng gobyerno. Kaya ngayon ito na ang itinatanim ng magsasaka dahil mabenta,” sabi ni Nora.
Maliban sa dagdag-gastos sa abono, nagkaroon ng problema sa sobrang produksyon. “Hindi naman na nila binibili ang tradisyunal na colored rice,” sabi ni Nora. “Tapos ngayon, hindi na rin binibili ng buyers at ng gobyerno ang Longping dahil wala na raw espasyo sa mga bodega nila. […] Naging imbak your own, eat your own rice. Pero dahil wala nang bumibili ngayon, wala na ring kita ang magsasaka. Nabubukbok na lang ang mga sobrang bigas.”
RICE GRANARY. Farmers in Tabuk City, Kalinga, prepare rice seedlings for planting. The province remains the top rice producer in the Cordillera region. (Sherwin De Vera)
Mababang presyo at kita
Bagama’t may tulong na binhi at makina ang gobyerno , hindi nito sinasagot ang problema sa pagkalugi.
“Pinabayaan ng gobierno ang patuloy na pagtaas ng presyo ng abono, pestisidyo at krudo,” ayon sa Aliansa dagiti Pesante iti Kordiliera (APIT TAKO). Anila, pinalala pa ito ng Rice Liberalization Law (RLL) , na nagpalaya sa importasyon ng mas murang bigas mula sa ibang bansa.
“Dahil sobrang mura ng palay at napakaliit ng naaani, madaming magsasaka na ang tumigil sa pagtatanim,” sabi ni Caring Bachiller mula sa Abra. “Mahal ang gastusin sa produksyon, wala pang tulong ang gobyerno.”
Patunay rito ang datos ng APIT TAKO: bumagsak sa P12-P13/kilo ang sariwang palay sa Apayao , P13-P14 sa Tabuk City , at umabot sa P8/kilo sa ilang lugar sa Kalinga at Abra. Malayo ito sa gastos sa produksyon na P13 hanggang P14 bawat kilo , kaya tiyak na lugi ang marami.
Si Gloria mismo, gumastos ng P100,000 para sa dalawang ektarya, ngunit kumita lang ng P90,000—lugi ng P10,000. “Kahit magmakaawa ka, otso pesos pa rin,” aniya, dahil mga komersyante ang nagtatakda ng presyo.
Pati ang P20/kilo na bigas ng administrasyon ni Marcos Jr. ay bigo. “Hindi lahat… puwedeng makakuha,” sabi ni Nora, dahil para lang ito sa mga nakasali sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at piling sektor lang sa Abra.
FILE PHOTO. Women from Buneg harvest rice using a rakem, a small blade that they place between their middle and ring fingers to cut palay stalks. Their harvest, they say, is not enough for their own consumption. (Divine Loraine Peñaflor)
Ang lupa ay buhay
Hindi lang presyo ang problema, kundi mismong ang lupa.
“Nakikiagaw pa ang malalaking minas sa palay para sa lupa,”daing ni Gloria.
Sa buong CAR, tinatayang 31,803 ektarya na ang sakop ng mga patented at lisensyadong mining claims, at halos 702,000 ektarya pa ang ina-applyan para sa pagmimina. Kung maaprubahan lahat, 37% ng kabuuang lupaing sakop ng rehiyon ang mawawala sa kamay ng mga katutubo at magsasaka.
Ginagamit ng gobyerno ang mga batas tulad ng Presidential Decree 705 (Revised Forestry Code) na nagsasabing 81% ng Cordillera ay “ari ng estado” dahil sa slope na lampas 18%. Kaya kahit dekada nang nagsasaka ang mga komunidad, hindi sila kinikilalang lehitimong tagapagtanggol ng kanilang lupain.
Isang bagong banta ang programang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) ng gobyerno. Sa papel, layon nito ang economies of scale at modernong teknolohiya. Pero sa aktwal, isa itong paraan para maipasok ang malalaking kumpanya gaya ng San Miguel, Purefoods, at Robina. Mawawala ang maliliit na magsasaka at magiging contract growers na lamang sila sa sariling bayan.
Bukod dito, nababawasan ang sakahan dahil sa mga proyekto ng enerhiya—21 hydro plants na ang aktibong umaandar at may 85 pang hydro projects, at siyam na iba pang wind, geothermal, at solar plants na nakapila, halos lahat sa lupang ninuno.
FILE PHOTO. Residents of Madaymen, Tabio, Mankayan, Benguet established a human barricade that stopped the drilling activities of Gold Fields. The drilling activities are allegedly conducted without the residents’ consent. (APIT TAKO)
Magsasakang migrante sa syudad
Ang mga hindi na makayanan ang hirap sa kanayunan ay napipilitang lumuwas sa syudad, ayon kay Rose Naogsan ng Organisasyon dagiti Nainsigudan nga Umili iti Syudad (ORNUS).
“Nanggaling din kami sa uring magsasaka,” aniya.
Ngunit sa syudad, sinusundan sila ng parehong problema: kawalan ng lupain.
“Sa Baguio City, wala rin tayong sariling lupain. […] May mga lugar din dito sa syudad na gusto tayong paalisin.”
Tinutukoy niya ang mga lugar tulad ng Loakan Airport, Maria Basa, at San Luis, kung saan halos 200 tahanan ang maaapektuhan ng pagpapalayas. Dagdag pa rito ang kawalan ng istableng trabaho at mahal na bilihin.
Burukrata kapitalismo
Ang lahat ng ito ay sintomas ng mas malalim na problema. Tinukoy ng APIT TAKO ang ₱179 bilyon kada taon na nawawala sa flood control projects dahil sa korapsyon —halagang kayang bumili ng halos isang-katlong bahagi ng taunang ani ng bansa, ayon kay Cathy Estavillo ng Amihan National Federation of Peasant Women.
Ito ay “burukrata kapitalismo,” o ang “(pag)kamal ng yaman sa pamamagitan ng pandarambong sa rekurso ng estado” at pagpapatupad ng mga polisiyang nagpapalago ng kanilang kapital. Kontrolado ng mga middleman at malalaking kompanya ang agrikultura , habang ang lupa ay kinakamkam ng mina, enerhiya, at mga ghost project.
“Sino ba ang mga nagpapasa ng mga ganitong batas?” tanong ng APIT TAKO. “Walang iba kundi ang mga pulitiko, mga mambabatas na may makukulimbat na malaking pera… Ang mga mamamayan, lalo na ang mga magsasaka, ay mas lalong lulubog sa kahirapan
Pukkaw ti mannalon
FILE PHOTO. Farm workers in Sitio Englandad, Barangay Paoay, Atok, Benguet clean wombok heads of frost-burnt leaves. Frost affects these vegetable farms from December to February when the temperature is at its coldest. (Aldwin Quitasol)
Sinuma ng APIT TAKO at Innabuyog-Gabriela ang panawagan para sa Buwan ng mga Pesante: patuloy na lumaban para sa karapatan bilang Katutubong Mamamayan at Magsasaka. Isa sa mga sigaw nila: ilipat ang pondo ng “ghost projects” sa tulong sa produksyon.
“Hindi namin kailangan ng ayuda,” giit ni Gloria. “Kahit wala nang ayuda, basta matulungan lang kaming magsasaka na tangkilikin ang produkto namin at pataasin ang presyo ng palay.”
“We are in a common struggle. […] Kailangan ugatin ang pangangailangan namin,” dagdag ni Nora. Kasama rito ang panawagang itigil ang pagmimina.
Sa bawat sako ng palay na hindi nabibili, sa bawat lupaing ninuno na inaagaw, at sa bawat proyektong pinondohan ng korapsyon, nilulunod ang mga tunay na tagapagtaguyod ng bansa: ang mga magsasaka at katutubong mamamayan.
Sa kabila ng mga suliraning ito, ang mga katutubang magsasaksa sa Kordilyera patuloy sila sa pagbubungkal ng lupa at pagharap sa mga hamon. Patuloy ang kanilang kolektibong pagkilos–mula sa pagpaptisyon hanggang sa pagtatayo ng mga barikada—upang igiit ang kanilang karapatan sa lupa. Sa pagtindig para sa kalikasan at kabuhayan, muling mapapalakas ang lokal na agrikultura.
Sabi nga ng APIT TAKO, “Sa sama-sama nating pagkilos, kaya nating makamit ang pagbubuong lipunang tayo namang naghihirap ang mamumuno. Ang tangi nating alternatibo: Pambansang Demokrasya!” #nordis.net