4 MIN READ
Ni XIAN PATRICIO
www.nordis.net
Bagaman ang pinakasikat na kaso ng pagpatay sa loob ng Reserve Officers Training Corps ay ang kaso ng University of Sto. Tomas ROTC Cadet na si Mark Welson Chua noong 2001, ang pinakamaaga namang reported case ng pagpatay sa loob ng Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa Northern Luzon ay noong 1999. Nangyari ito ito sa isang kadete ng ROTC ng Saint Louis University na nagngangalang Arthur Salero.
Sinundan pa ito ng mga report ng physical abuse ng 8 COCC sa Baguio Colleges Foundation (ngayon ay kilala bilang University of the Cordilleras) noong 1999 at 2000. Mayroon ding isang naging kaso ng pisikal na abuso sa mga kadete ng University of the Philippines Baguio (UPB) noong 2000.
Sa mga nailahad na dahilan, hindi nakapagtataka kung bakit ang mga estudyante ng Baguio ay agad na niyakap ang pambansang kampanya para patigilin ang implementasyon ng mandatory ROTC. Pagkaputok ng malalakas na protesta laban sa ROTC program noong 2001 dahil sa pagkamatay ni Chua, sumabay ang Baguio sa alon ng mga protesta. Halos 5,000 na mga estudyante, guro, administrador at magulang mula sa iba’t ibang unibersidad ang nagmartsa sa kahabaan ng Session Road at Harrison Road para magpahayag ng kanilang pagkamuhi sa naturang programa. Isa sa mga nanguna ng martsa at ng buong kampanya ay ang komunidad ng UPB.
Halos sampung taon pagkatapos gawing optional ang ROTC sa ilalim ng Republic Act No. 9163 o ang National Service Training Program (NSTP) Act of 2001, nagkaroon naman ng mga kaso ng sexual abuse sa mga kadete ng Benguet State University noong 2014 (na naging malaking isyu lamang sa loob ng paaralan noong 2016). Sa mga nangyaring ito sa katulad nilang state university, pumutok muli sa loob ng UP Baguio ang diskusyon patungkol sa presensya ng ROTC at ng mga militar sa loob ng kampus.
Sa panahong ito, alam na ng mga estudyante na ang punong tagapaglaganap ng redtagging ay ang AFP, PNP at ang mismong estado. Syempre, kasama sa pagpapalaganap ng redtagging ay ang ROTC. Mayroon silang discussion na “Know Thy Enemy” na tahasang sinasabi na ang mga progresibong organisasyon katulad ng Anakbayan, League of Filipino Students (LFS), Student Christian Movement of the Philippines at iba pang organisasyon ay mga Communist-Terrorist Groups — isang termino na karaniwang ginagamit ng pulis at militar na tumutukoy sa Communist Party of the Philippines- New People’s Army (CPP-NPA). Sa kasalukuyan, kilala ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa paggamit ng terminong ito at iba pang katawagan katulad ng Communist Front Organizations upang idugtong naman ang legal at progresibong organisasyon sa CPP-NPA.
Noong 2015, nagkaroon ng protesta sa pangunguna ng LFS-Metro Baguio laban sa ROTC Awareness Week na isinagawa ng UPB Vanguard. Ang Anakbayan UP Baguio at Alliance of Concerned Students UPB ay gumawa din ng mga serye ng educational discussions na may kinalaman sa campus militarization at ROTC. Noong 2017, nagsagawa naman ng open discussion sa pagitan ng mga lider-estudyante at ng mga ROTC Officials ang Campus Alliance for Dedicated and Unified Action UPB (CADUA, na notably ay kaalyado noon ang UPB Vanguard).
Sa mga diskusyong ito, buhay na buhay at laging nakakabit ang mga diskusyon patungkol sa presensya ng militar sa eskwelahan (bilang ang ROTC sa parehong UPB at BSU ay nasa direct supervision ng Armed Forces of the Philippines Reserve Command) sa redtagging ng mga lider-kabataan sa loob ng mga pamantasan, sa presensya ng Student Intelligence Network, at sa pangkabuuang paglabag sa karapatang pantao ng mga militar laban sa mamamayan sa kanayunan. Laging iginigiit ang UP-Department of National Defense (DND) Accord at ang LFS-DND Accord na mga kasunduan laban sa presensya ng mga militar sa mga pampublikong unibersidad. Nagko-complement ito sa mga protesta laban sa mga kagaguhang ginawa ng administrasyong Duterte sa mamamayang Pilipino noong panahong ito.
Nabuo ang collective consciousness ng buong komunidad ng UPB laban sa presensya ng militar sa loob ng kampus at maging sa redtagging. Noong 2019 student council election sa UPB, makasaysayang ipinahayag ng tatlong political organizations (ACS, Alternatibong Katipunan ng mga Mag-aaral sa UPs at CADUA) ang kanilang pag-NO sa mandatory ROTC na gustong itulak ng rehimeng Duterte noong panahong ito. Noong panahon na ring ito ay nabuo ang UP Rises Against Tyranny and Dictatorship, isang multisektoral (ibig sabihin, kasama ang mga guro at mga kawani ng administrasyon) na alyansa ng mga organisasyon sa loob ng UPB laban sa kung ano mang nakalagay sa pangalan nila. Isa sa kanilang panawagan ay ang #StopTheAttacks at #NoToRedtagging.
Mulat ang komunidad ng UPB na mali ang kahit anong porma ng redtagging. Ang mga estudyante nito at mga alumni ay biktima nito. Sa kasagsagan ng pandemya noong 2020, niredtag ang mga estudyante at alumni ng UPB na nakita sa mga tarpaulin na nakasabit sa iba’t ibang bahagi ng Baguio. Nagkaroon naman ng mga serye ng online forum na inilunsad ng Commission on Higher Education Cordillera noong 2021 kung saan ay inakusahan ang mga lehitimong organisasyon ng mga kabataan bilang mga CFO.
Sa dalawang magkasunod na araw ng online forum, nagpahayag ng lubos na pagkagalit ang mga lider-estudyante ng halos lahat ng mga unibersidad (kasama na ang UPB University Student Council) laban sa redtagging. Sumikat ito sa buong bansa, lalo na ang pagiisketch ng Defund ELCAC ng mga estudyanteng nagpoprotesta sa PPT na ginagamit ng speaker.
Malinaw kung gayon na hindi gusto at hindi nararapat na magkaroon ng ganitong klase pang forum lalong-lalo na sa loob ng eskwelahan. Sa totoo lang, nakakahiya. Maraming tanong ang ipinapahayag ng mga estudyante, alumni, kaguruan at mga manggagawa sa loob ng UP tungkol sa forum na ito: BAKIT ITO PINAYAGAN NG UPB ADMIN? PAANO ITO NAKALUSOT SA NSTP? Nagkaroon pa ng bagong tambakan ng supplies ang ROTC sa loob ng kampus na pinayagan ng kasalukuyang Chancellor na si Corazon Abansi. Sa ginanap kamakailan na protesta ng mga estudyante at kaguruan ng UPB, nagbigay na ng paliwanag si Abansi at humingi ng pasensya. Ngunit sasapat ba ang mga sinabing dahilan, o tuluyan tayong maghahagilap ng korelasyon at pananagutan? # nordis.net
Editor’s note: The opinions expressed do not reflect the views or positions of Nordis. They are published to encourage open dialogue and diverse perspectives. Nordis reserves the right to edit for clarity and length, but the opinions remain solely those of the author.