Select Page

COLUMN | DANCING DAYS

Hindi Fiction, Slightly Tungkol sa Suicide
October 11, 2020
3 MIN READ
Ni IVAN EMIL LABAYNE
www.nordis.net

Tinutuya ng reyalidad ang imahinasyong akalang sa mga malikhaing akda, sa fiction, sa nobela lang mahahagilap. Sa pagkaakit sa lohika ng numero, nagtalaga hindi na lang ang isang paaralan kundi ang buong pamahalaan, ng Anti-Suicide Law. Passe, lipas, palasak na raw ang Suicide Prevention—na kahit papaano ay maaari pang i-maneuver para alamin ang pinanggagalingan ng pagpapatiwakal, sa personal o panlipunang konteksto man, imbes na i-pathologize ito, sabihing dulot ng “kahinaan,” o pagkukulang ng indibidwal.

Mga makikitid na burukrata at opisyal (simboliko lang ang kakitiran, pumapatungkol lang sa kanilang isipan at imahinasyon, sapagkat bundat na bundat ang kanilang katawan, pekeng ngiti, bank accounts, koleksyon ng pag-aari dito sa bansa at abroad): Naku, kailangang isabatas na ang Anti-Suicide upang mapababa na, kundiman maging zero na ang mga kaso ng nagpapakamatay sa ating bansa—mga mag-aaral na walang pang-tuition, walang pang-mobile data, mga gurong tinatambakan ng paperworks kahit sa gitna ng pandemya, mga taong nawalan ng trabaho. Gawing iligal ang pagpapakamatay, parusahan ang mga kapamilya, mga minamahal sa buhay ng mga magpapakamatay (paano mo ba mapaparusahan ang patay na?). Isabay na ito sa National ID Surveillance Law; maglagay ng detalye matapos ang Name Age Sexuality Gender Birthplace Birthday Political Beliefs ang detalyeng: ‘List at least three people who will be punished if ever you commit suicide (this field is required)’. Ang layunin natin, gawing MASAYA ang bansa, walang nagpapakamatay, lahat #LabanLang, #KapitLang, #ToxicHappy lang…HAHAHA, nakakatuwa naman itong speech writer natin, ginagawa tayong smarter than we really are… HAHAHA, ang sarap naman ng buhay natin, sana ganito na lang lagi, bato bato sa langit, ang tamaan wala, baka nasa impyerno…

Mahabang pasakalye para sa nilalabanan ng mga lunggati: long long lists of lost aspirations, hinahagilap pa at binibigyan ng hugis sa araw-araw na pagkilos, pamamahinga, pagsusumikap, pagpapahinga, paghinga, pagpapatuloy, padayon, padayon.

Pinagpapawisan na sa kaba ang mga dystopia ng hinaharap: anong kakila-kilabot pang mundo ang magagawa at haharayain natin sa harap ng mundo ngayong nasusunog, tinitigdas, nawawalan ng malay, nagpapatiwakal, pinapademya, binabakuhan ngunit walang kasiguraduhang bubuti ang lagay ‘pagkat nagpapagalingan ang mga “tigre”—tsina, Europa, estados Unidos, rasha—at nagpapaunahang pagkakitaan ang pangkalusugang krisis, imbes na magtulungan at magbahagian ng natuklasan—sa siyensya man o sa lipunan, na ‘di naman magkahiwalay.

Sa Introduksyon sa Kathang-Isip: Mga Kwentong Fantastiko na pinamatnugutan nila Rolando Rolentino at Rommel Rodriguez, ikinintal kung paanong ang “fantasya” ng estado ay ang reyalidad ng sambayanan, something to that effect. Medyo chilling ang phrasing dahil kahit sa maikling pahayag, ang daming binubunyag at binabasag na assumption. Una, na hindi naman talaga magkahiwalay ang “fantasiya” at “reyalidad”—may kaugnayan ang mga ito at instrumentalized ayon sa interes, hangad, wet-dream desires ng nagpapantasya, ng lumilikha at dumaranas ng reyalidad. Pangalawa, malinaw ang paghahati sa estadong iba ang interes sa mamamayang dapat pinaglilingkuran. Slightly perverse din, pero mahihinuhang ‘di naman nalalayo sa katotohanang ang kalunos-lunos nating reyalidad—mababang sahod sa tambak na trabaho, ngarag na MRT at world-class EDSA traffic, mga probinsyang ‘di maambunan ng mababaw na de-building na “pag-unlad” sa mga sentrong lungsod, at marami pang ibang ‘di na kailangang banggitin dahil hinaharap na natin araw-araw, dumidikit sa mantsa ng polo at tumatagos sa serbesang iinumin, uutangin para lang makapagsaya kahit ilang oras—ay “fantasyang” gustong panatilihin ng nasa kapangyarihan.

Pero dapat may mga patikim din ng “pag-unlad,” pangungumbinsing “okey lang ang lahat,” everything is under control, gaano man ka-temporaryo, o kakitid dahil mga mababaw na aspeto lang ng problema ang sinasagot; sintomas nga lang raw, at hindi ang mismong sakit—na kung ‘di lang talaga nila matukoy, ay pinagbubulag-bulagang kikilalanin. Ayudang lata, bukbuking bigas (nagrereklamo pa kayo!), instant noodles na may kasamang betsin at hepa; six-month contractual job (rekla-reklamo pa kayo, ang daming walang trabaho!); dolomite sa Manila Bay; isang-oras na “free” MRT rides tuwing Rizal day kapalit ng overpriced na Beep cards.

Kailangan ang mga patikim na ito upang supilin ang pag-aalburuto ng mga tao: baka mag-organisa pa sila ng sama-samang pagkilos kontra sa kalakaran, imbes na maglabas lang ng mga hinaing sa social media at aasang mag-viral ito at baka (aasa muling) tugunan ng nasa otoridad. Kailangan ang mga patikim na ito para sabayang magpatiwakal ang mga tao dahil sa hirap ng buhay, sa mga pighati ng panahon, sa kawalang-hiyaan ng nasa kapangyarihan. Kailangan ang mga patikim na ito para hindi matuklasan ng mga tao na pwede rin silang magkaroon ng kapangyarihan, kapangyarihan mas malakas kung magsasama-sama at lalawak at lalapad: mula Aparri hanggang social media, mula martsa sa Batasan hanggang Jolo, mula art theory at panulaan ni Mayakovsky o Aleksandra Kollontai hanggang panibong at armalite ng mga gerilya sa nayon.

Nagpatupad ng bagong batas ang mga ulol at mga nag-aaway-batang Senador at Kongresista: bawal na ang magpakamatay. Gusto nilang lipulin ang depression, anxiety at iba pang mental pathology ng panahon ng pagkakanya-kanya at kumpetisyon by aiming for a zero-case-of-suicide scenario. Pulos na lang numero! Sa labas ng kaululan at kababawang ito, binabaka ang depression at feelings of loneliness sa pamamagitan ng pakikipagtulungan at pakikipag-usap sa iba: gumawa ng burol mula sa kasukalan, magpinta at tumula nang sabay-sabay, magdaos ng konsiyerto para sa karapatang pantao, pumuntang lansangan para sumigaw, umawit, magtawanan. Buhay na buhay ang kontra-dystopia sa mga lugar na hindi gaanong namamapa; naghihintay matagpuan, makilala, lahukan. # nordis.net

Share This
Verified by MonsterInsights