Select Page

Palaot: Buhay mangingisda sa panahon ng pandemya
FEATURE| June 9, 2020
5 MIN READ
Ni PAOLA ESPIRITU
www.nordis.net

Wala pa ring maayos na kita si Manong Willy, edad 59, kahit nagsimula na ang Modified Community Quarantine sa probinsya ng La Union. Dahil kabilang sa maliliit na mangingisda, mas lalong humirap ang kalagayan ng kabuhayan ngayong humaharap sa pandemya.

Nangrugi idi quarantine ken lockdown, haan kami makaruaren [Simula noong quarantine at lockdown, hindi na kami makalabas],” daing ni Manong Willy.

Umaasa na lang sila sa kaunting huli sa pamamagitan ng ‘silo’ sa ilog dahil hindi pa pupwedeng makalayo sa dagat kung pumapalaot. Maliban sa wala silang sariling kagamitan at puhunan sa pangingisda, hirap din talaga ang huli sa panahon ngayon.

Dalawang beses sa isang linggo silang sumasama sa pangingisda ngayong quarantine. Pero imbes na sa dagat, ang katulad niyang maliliit na mangingisda, sa ilog kumukuha ng ikabubuhay. Nahahati sa grupo na binubuo ng 6-8 katao ang nakaskedyul sa isang araw para mangisda.

Adda makawadwad, adda awan [May panahong marami, mayroong wala],” dagdag ni Manong Willy.

Hindi raw pare-pareho ang dami ng huli, depende rin sa panahon. Sabi niya na tuwing gabi, may ilang mangingisda na pumupunta sa ilog para manghuli ng maliliit na hipon, dagdag din daw iyon sa posibleng ibenta o ipakain sa pamilya.

Sa dagat naman, nakakapalaot ang mga may daklis, 2 beses sa isang araw mula Lunes hanggang Biyernes samantalang isang beses lang tuwing Sabado. Ang karamihang walang daklis, tulad ni Manong Willy, ay nakikiguyod (nakikihila) para may maiuwi. Kung maraming huli, may ibibigay sa mga nakihila, sapat para sa pananghalian o hapunan. Kung kakaunti lang ang huli, halos wala ring maiuwi dahil marami ring pamilya ang naghahati-hati. Halimbawa, ang P300 na isda, paghahati-hatian ng 20 katao. Pwede ka rin namang makabili ng tig P100 isda- iyon ay kung may perang pambili.

PANGIDAANG WALANG KATIYAKAN. Sa bawat pagpalaot ng mga mga mangingisda, tiyak ang gastos ngunit walang garantiya na sila ay makakhuli ng sapat na dami ng isda upang magkaroon ng makabuluhang kita. Larawan mula sa Timek-La Union.
Isang kahig, isang tuka: Ang buhay bago ang lockdown

Kwento ni Manong Willy, sanay na sila sa hirap. Aniya, bago pa man ang ECQ, hirap na ang mangingisdang tulad niya na kumita ng sapat.

No nawadwad, adda met maiyawidmi nga P200 [kung madami huli, may P200 ding maiuuwi]” dagdag niya. Ang P200 kita kada araw noon, ibibili ng 1-2 kilong bigas, ulam, at iba pang pangangailangan sa bahay. Wala nang natitira para sa gamot o emergency cases.

Ayun sa kanya, isa ring matagal na nilang pinoproblema, ang mga kaagaw sa huling isda na commercial fishing vessels (CFVs) na kadalasang pag-aari ng mayayaman. Banggit niya, kahit naka-quarantine, tuluy-tuloy pa rin ang pangingisda gamit ang malalaking trolleys na kayang pumalaot sa mas malayo. Dahil sa atrasadong kagamiting pangisda, hindi kayang abutin ng maliit na mangingisda ang parte ng baybaying pinangingisdaan ng CFVs. Sa kabila nito, pumapasok pa rin umano sa lugar pangisdaan ng maliit na mangingisada (municipal waters) ang mga ito upang mas maraming huli.

Hirap din ang kalagayan ni Tatay Ernesto, 63, na isang magsasaka at mangingisda. Bago ang lockdown, ang presyo ng Native na tabakong produkto ay pumalo sa P115 kada kilo. Pero mula noong naglockdown, bumaba ito ng P80 kada kilo. Napakalaki ng bawas nito sa inaasahan niyang kikitain sa 0.5 ektaryang tinamnan ng tabako.

Itta pay lang ket adda P30,000 nga utangmin [May P30,000 utang na kami ngayon pa lang],” paliwanag niya.

Aniya, baon na siya sa utang sa Tobacco Contract Growing program ng National Tobacco Administration bago pa man maibenta ang lahat ng produktong tabako. Hindi naman daw mapigilang hindi bumale dahil sa wala silang makakain kung hindi mangutang sa NTA.

No saan nga agkalap, awan pulos income mi [kung hindi mangingisda, wala na kaming kita],“ dagdag ni Tatay Ernesto, na kahit senior citizen na’y tuloy pa rin ang gawaing bukid at pangisda.

Kahit hirap na noon pa man, sang-ayon ang dalawang mas mahirap ang buhay ngayong naka-quarantine.

Nakarkaro itatta ti kasasaad ta extensionda met nga extension [mas mahirap ngayon kasi extension naman sila ng extension],” pahayag ni Manong Willy.

TAMPISAW. Sa hirap ng buhay, sinusulit na lamang ng mga kabataan ang bawat oras sa upang tangkilikin ang sayang handog ng baybayin at mga mumunting pangaraw-araw na pantawid gutom. Larawan mula sa Timek-La Union.
SAPat ba ang SAP?

Bagamat nagpapasalamat ang dalawa sa natanggap nilang ayuda mula sa Social Amelioration Program(SAP) ng DSWD noong ikalawang linggo ng Abril, daing nila na hindi pa rin ito sapat sa tatlong buwang walang kita.

Kwento ni Manong Willy, halos maubos sa bayad utang ang natanggap na P5,500. Ang natira ay ibinili ng bigas, sardinas, sabon, gamit sa bahay tulad ng sabong panlaba, at ipinambayad ng P250 pesos singil sa kuryente. Wala nang naitabi para sana may puhunan sa pangisda.

Si Tatay Ernesto nama’y siniguro ang pagbili ng 2 kaban ng bigas dahil mahirap daw gutumin ang kanilang mga apo na kasama nila sa bahay. Kung tutuusin, aniya, kulang ang ayuda para sa tulad nila na pito sa pamilya. Bagama’t ang ina ng kanilang mga apo ay domestic helper sa Kuwait, tatlong buwan na raw itong hindi nagpapadala ng panggastos. Nawalan din daw ng trabaho at sahod dahil sa COVID-19.

Nakatanggap naman sila ng ilang relief packs mula sa LGU — kalahating kabang bigas mula sa munisipyo; 2 kilong bigas at ilang delata mula sa barangay. May nag-abot din ng tulong mula sa isang lokal na NGO na siyang pilit na pinagkakasya nila.

Para sa TIMEK-La Union, lokal na organisasyon ng mga mangingisda, hindi pa rin sapat ang ayuda lalo’t hindi pa nasosolusyunan ang mga isyung kinakaharap nila. Matagal na nilang ipinanawagan na sana’y mabigyan sila ng matibay at angkop na kagamitang pangisda. O di kaya’y sariling lupang pwedeng sakahin.

Nitong nakaraang buwan, batay sa ulat ng Department of Agriculture sa House of Representative, nakapagbigay na ito ng pautang sa 4, 751 benepisyaryo sa target nitong 40,000. Sa kompyutasyong inilabas ng Pamalakaya, P432 milyong piso pa lamang ito o 11% ng P1 bilyong budget ng ahensya para sa ayuda. Kung kwekwentahin, aabot ng P90,000 ang natanggap ng bawat benepisyaryo.

Pero hindi ito ramdam ng tulad nina Manong Willy at Tatay Ernesto. Ayon sa kanila, wala pa silang natatanggap na ayuda mula sa DA. Higit dalawang linggo na ang lumipas, isang nagpakilalang staff mula sa DA ang naginterview sa kanila. Pinapirma at kinuhanan ng litrato ang lahat ng mangingisda at magsasaka sa bayan nila. Tatanggap diumano sila ng P3,500 kada mangingisda, samantalang P5,000 kada magsasaka. Pero hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw kung makakatanggap ba sila ng dagdag ayuda.

BUHAY ANG ILOG, ANG ILOG ANG BUHAY. Ngayong panahon ng pandemiya, ang estuaryong ito ang nagbibigay-buhay sa mga maliliit na mangingisdaang hindi gaanong makapalaot at walang natatanggap sa sapat na ayuda. Larawan mula sa Timek-La Union.
Papalaot pa rin

Walang kasiguraduhan pa ang dagdag ayuda o kung paano makakabalik sa regular na kita ang mga mangingisda at magsasaka, Kaya si Manong Willy, arawang sumasahod ng P50-P70 pesos si Manong Willy sa pamamagitan ng tudok o pagtutuhog ng mga dahon ng tabako. Ang P50-P70 pesos na kitang ito ay siyang ibinibili ng bigas at ulam na pagkakasyahin para sa 7 katao. Madalas nag-uulam sila ng asin o bagoong. Maigi na lamang daw at ang ilang kapitbahay, hinahayaan silang kumuha ng gulay tulad ng okra at talbos ng kamote sa bakuran. Sapat na raw ito para ipares sa kanin.

Si Tatay Ernesto nama’y tuloy ang pagsama sa mga nangingisda para may makain araw-araw. Di bale na lang daw na mag-ulam ng kahit na ano, ang mahalaga’y may maibili pa sila ng bigas.

At kahit pa hindi panatag ang alon, lalo’t nalalapit na ang tag-ulan, tuloy pa rin ang pakikipagsapalaran sa laot ng mga mangingisda. Ika nga ni Manong Willy, “Matay ka ti bisin, haan met a sakit [Mamamatay ka sa gutom, hindi naman dahil sa sakit].” # nordis.net

Share This
Verified by MonsterInsights