Sunflower as Symbol of the Fight Against Misogyny
3 MIN READThe Sunflower Parade aims to remind the world that women and children have rights that need protection and deserve it, and to affirm that these Filipino women are not alone.
COLUMN | DANCING DAYS
1. Tulad ng umuulit-ulit sa kasaysayan, inaatake ngayon ang Pula. Hindi ito ‘universal’ na pula, dahil hindi ba in-demand ang pula tuwing Pebrero bilang associated ito sa pag-ibig, pagmamahalan, romansa, pagniniig at iba pang permutation nito? Kaygagandang mga bagay, bakit ito aatakihin: pula-bilang-pagmamahalan-in-only-one-sene? Pula bilang pagmamahalan only in “couple-form.” Bakit aatakihin ang sinisimbolong ito ng pula kung ang sikat na uri ng pagmamahalang ito ay maaaring makasagka sa mas malawak na pagtalos sa pag-ibig: hindi na lang reserved para sa iisang kapartner, karelasyon o kabiyak kundi nakalaan sa mas maraming miyembro ng komunidad.
2. Hindi rin ito ang pula na unang kulay sa bahaghari, na kapag tinalunton mo raw ang dulo, makakakita ka ng ginto. Pula sa mnemonic na ROYGBIV para sa grade schoolers na nagre-review para sa periodical exam. O pula sa ROYGBIV na kinukuhaan ng litrato, ipo-post sa social media, kahit munting paalala na may mga magagandang bagay pa sa mundo, labas sa tumataas na bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa o sa mga opisyal na hindi magkasundo kung ano ang ipapaalam sa publiko.
3. Bakit kaya tayo nataranta nang husto kapag aksidenteng nailatag nang mali ang watawat ng Pilipinas—pulang bahagi ang nasa ibabaw at hindi asul? Sa mga napagkasunduang simbolo at interpretasyon, nasa “state of war” ang Pilipinas kung nasa ibabaw ang pula at hindi asul. Kaya naman humingi ng paumanhin ang pamahalaan ng Amerika at ang kumpanyang Facebook nang baligtad ang pagkaka-display nito ng bandila ng Pilipinas. Ang asul ay kapayapaan; ang pula ay digmaan. Ang asul ay dagat, banayad at nakabubuhay; ang pula ay apoy, magagalitin, nakamamatay. Galing ito sa parehong sa pula-sa puting logic na kumukulong sa babae bilang mahina kontra lalaking malakas; sa heterosexual bilang tama, homosexual bilang mali; sa puting kaaya-aya at mabuti kontra sa itim na pangit at bagkus ayos lang apakan sa leeg hanggang mamatay.
4. Sa simula ng “Ang Bersyon ng Kaibigan, ng Posporo at ng Bala, ika-sampung kabanata ng Etsa-Puwera, “pula ang kulay ng dugo. Dugo ang ipantutubos nila sa kalayaan kung kinakailangan. Hindi masamang maging pulahan. Pula ang kulay ng kalayaan.” Pula ang kulay ng tintang pinangpipirma sa kasunduang nagpapatibay ng pagiging kalahok sa Katipunan. Naniwala ba ako innocently noong bata ako na literally blue ang kulay ng dugo ng mga dugong-bughaw? Hmm, baka may genetic basis ang kanilang mataas na uri, hindi sila tulad ng kalakhan na pula ang dugo, commoners, savages? Kailangan ng idiomang “blue blood” para i-ukit sa wika ang ‘di-pagkakatulad, ‘di pagkaka-pantay-pantay ng mga uri. Kailangan ng idiomang “blue blood” para i-inscribe sa wika ang pagkakaroon ng mga mataas at mababang uri, mga pwedeng i-VIP test at mga dapat magkasya na lang sa self-quarantine, mga gumagawa ng kautusan at mga taga-tango lang, sumunod ka kung ayaw mong mamatay.
5. Hindi sa lahat ng namamatay, dumadanak ang dugo. Merong mas ‘mapayapang’ pagkamatay—sa telenovelas, nasa hospital, magbubunyag ng mabigat na sikreto ang tauhang nakaratay (Anak, ang tunay mong ama ay si… (toot toot toot, nag-flat na ang linya sa heart rate monitor, namatay na ang character). Sa maraming Hollywood movies, lalo sa zombie, o thriller o action films, parang mas maraming dugo ang dapat dumanak para maging mas thrilling ang continuing survival ng mga bida. Kawawang mga extra, madugo ang kanilang pagkamatay. Ngayon, nasa labas tayo ng pelikula, binabasa mo ito, may pumipintig sa pulso mo, pansinin mo man o hindi. May dugong dumadaloy sa buo mong katawan, kahit nagma-manifest lang ito kapag nasugat mo ang daliri mo habang nagbubukas ng beer. O di kaya ‘pag sobrang init at dinugo ang ilong mo literally, hindi symbolically kapag nagre-review ka or kapag nakikinig sa mahirap aruking philosophy o medicine text. Pula ang dugo mula sa sugat mo; pula ang dugong bumabalot sa bagong-panganak na sanggol, sabi nga ni Gelacio Guillermo sa isang tula.
6. Sa gitna ng pandemya, nagawang mailusot ang pagpasa ng isang Bill na lalong aatake sa Pula, mas madaling pagbintangan ang isang Anino bilang Pula, ang isang sarkastikong guro bilang Pula, ang isang cultural worker bilang Pula, mga volunteers bilang Pula. At kapag na-establish na ang kapulahan ng mga Pula, mas madali na silang atakehin, supilin, tulad ng ginawa kay Jory Porquia, community organizer sa Iloilo.
7. Ang mga tumutulong para magpatuloy ang buhay—lumilikha ng espasyo para sa local artists, nag-aabot ng ayuda sa mga pamilya sa gitna ng krisis, nangangampanya laban sa mga proyekto tulad ng megadams na nang-uumit ng kabuhayan at lupa ng mga katutubo—inaatake, tinitiktikan, tinatakot. Ilabas ang mga Pula, ilantad! Ang dugong umaagos sa bawat isa para magpatuloy ang buhay, padanakin!
8. Binabasa mo ito ngayon, may dugong dumadaloy sa loob mo, kulay pula. Kinakabahan ako sa kumakalat na virus at nagawa pang magnakaw ng oras ng mga mahuhusay na naka-barong at saya para magpasa ng batas para lalong kabahan ang mga tao. Kinapa ko ang pulso ko, tumitipa ako nang salita para tapusin ito; hindi ko nakikita ang dugo pero alam kong kulay pula. # nordis.net
3 MIN READThe Sunflower Parade aims to remind the world that women and children have rights that need protection and deserve it, and to affirm that these Filipino women are not alone.
2 MIN READDahil walang tuloy-tuloy at transparent na aksyon ng mga kinauukulan kontra sa mga sugalan, lumalabo na ang linya sa pagitan ng kapabayaan at pakikipagsabwatan.
4 MIN READAs petroleum prices continue to surge, the journey to seek medical care is becoming increasingly difficult for countless Filipino families, particularly those in rural and geographically isolated areas.
3 MIN READDevelopers, researchers, and open communities create a counterweight. That is why support for developers and open communities matters more now.