3 MIN READNang ANAKBAYAN — ILOCOS
www.nordis.net
Ginugunita ng Anakbayan-Ilocos kasama ang mamamayan ng buong mundo ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao ngayong ika-10 ng Disyembre.
Sa araw din na ito, ginugunita natin ang pagdedeklara ng Universal Declaration on Human Rights at gayundin ang mga tagumpay ng sambayanan ng buong mundo sa nagpapatuloy na pakikibaka para sa pagbabago at makatarungang kapayapaan.
Hindi kailanman maihihiwalay ang kabataan sa usapin ng pagkakamit ng pagkilala at pagrespeto sa karapatang pantao at pagkakamit ng isang makatarungang kapayapaan at lipunan. Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pagsasamantala sa hanay ng mga kabataan at estudyante dahil sa mga neo-liberal na mga patakarang ipinatupad pa ng nakaraang rehimen at hanggang ngayo’y patuloy na sumasalanta sa kabuhayan at pangarap ng mga kabataan. Patuloy ang paglaki ng out-of-school youth dulot ng sobrang pagtaas ng matrikula at pagsulpot ng iba’t ibang Other School Fees (OSF) sa mga pribado at pampublikong pamantasan. Maging ang karapatan ng mga estudyante sa malayang pamamahayag at karapatang makapag-organisa ay sinisikil ng mga administrador ng mga eskwelahan dito sa ating rehiyon. Patuloy na ipinagkakait sa mga kabataan ang karapatan nila sa libre at dekalidad na edukasyon na matagal na nilang ipinapanawagan.
Bukod pa rito, patuloy rin ang paglabag sa karapatang pantao sa mga komunidad. Bagamat may mga batas nang ipinatupad patungkol sa pag-respeto sa karapatang pantao, nagpapatuloy pa rin ang mga paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan na gawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na damay maging ang mga kabataan. Sa loob pa lamang ng mga unibersidad at kolehiyo, lansakang ginagamit ang programang ROTC bilang lambat paniktik sa mga progresibong lider at organisasyon sa dikta at superbisyon mismo ng AFP.
Maging dito sa lalawigan ng Ilocos, patuloy ang paglabag sa karapatang pantao partikular sa pangalawang distrito ng Ilocos Sur. Sa kabila ng unilateral ceasefire, patuloy ang mga encampment sa loob ng mga komunidad at pagpasok ng mga pwersang panlaban ng gobyerno sa mga baryo sunod sa Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino na hanggang ngayo’y ipinagpapatuloy ng kasalukuyang rehimeng Duterte.
Sa kasalukuyan, mayroong walong kaso na naitala ang Ilocos Human Rights Alliance (IHRA) ng military encampment sa loob ng mga matataong komunidad ng Sta. Lucia habang anim ay nasa Salcedo at 5 naman sa Quirino. Nagsasagawa rin ng pagrerekluta sa mga sibilyan sa ilalim ng Civilian Armed Auxiliary (CAA) ang militar bilang pwersang pangpadami at isinasabak ang mga ito sa mga combat operations.
Maliban dito, laganap din ang lantarang paglabag sa karapatang pantao sa ating bansa sa mukha ng extrahudisyal na pamamaslang sa hanay ng mga maralita dahil sa pakanang “Oplan Tokhang” ng rehimeng Duterte. Naglalayon umano ito na paigtingin ang “Digma Kontra Droga” ngunit sa kasalukuyan ay marami ang hinuhuli at pinapatay ng walang kaukulang pag-iimbestiga at paglilitis. Ginagamit rin ang Oplan Tokhang upang dakipin ang ilan sa mga Lider Masa at mga myembro ng mga Pambansa Demkratikong organisayong masa.
Kung kaya’t ang Anakbayan-Ilocos kasama ang iba’t ibang sektor sa rehiyon, ay nananawagan na irespeto ang karapatang pantao at itigil ang ekstrahudisyal na mga pamamaslang. Pangunahing panawagan ang pagwakas sa anti-mamamayang OPLAN Bayanihan at pagtigil ng militarisasyon sa mga komunidad na siyang dahilan ng walang habas na paglabag sa karapatan at kabuhayan ng mamamayan lalo na sa kanayunan. Dapat na kagyat na atasan ni Pangulong Duterte ang kanyang military na magsiuwi sa kani-kanilang mga kampo at tupdin ang mga panuntunan ng tigil-putukan.
Nananawagan din kami sa gobyernong Duterte, na kagyat na palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal. Hindi dapat gamitin ni Duterte ang mga bilanggong pulitikal bilang “baraha” sa pakikipag-usap sa CPP-NPA-NDF. Ang patuloy na pagbilanggo sa kanila ay lantarang paglabag sa kanilang mga karapatang pulitikal at lantarang paglabag din sa mga naunang kasunduan ng usapang pangkapayapaan gaya ng Comprehensive Agreement on the Respect of Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIL).
Dapat ding suportahan at makialam ang mga kabataan sa nangyayaring usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at CPP-NPA-NDF sa kasalukuyan. Dapat na igiit ng mga kabataan sa gobyernong Duterte na kagyat na tugunan ang nilalaman ng mga borador ng Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER). Ang CASER ang ‘puso at kaluluwa’ ng usapang pangkapayapaan. Ang pagsusulong ng libre at dekalidad na edukasyon ng mga kabataan ay nilalaman din ng kaisahang ito. Hindi dapat na mauwi ang usapang kapayapaan sa usapin ng pagpapasuko at pagtigil lamang ng paglaban at putukan. Bagkus, dapat na tugunan ang mga ugat ng armadong tunggalian sa ating bayan.
Sa araw ding ito, nananawagan ang mga kabataan na tuluyang ibasura ang ROTC sa mga paaralan. Sa kasaysayan ng pagkakaroon ng ROTC, walang ibang idinulot ito kundi karahasan at paglabag sa karapatan ng mga kabataan. Ang Malala pa’y itinatransporma ang mga estudyante na maging mamamatay-tao ng kanilang mga kapwa estudyante. Hindi kailanman magiging para sa mga kabataan ang programang ito hanggat nananatiling nasa ilalim ito ng direksyon at gabay ng isang bayaran at mamamatay-taong organisasyon ng AFP.
Ang tagumpay ng pagkilala sa karapatang-pantao ay hindi kusang ipinagkaloob sa mamamayan. Ito ay ibinunga ng walang sawang paglaban at pagtatanggol mismo ng mamamayan at mga kabataan sa kanilang karapatan, dignidad, at kabuhayan.
Wakasan ang oplan bayanihan!
Irespeto ang karapatang pantao!
Suportahan ang Usapang Pagkapayapaan! resolbahin ang ugat ng armadong tunggalian! # nordis.net