3 MIN READNi MARY LOU MARIGZA
www.nordis.net
Hihiramin ko mula sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) ang kanilang primer hinggil sa bagong batas sa pangisdaan RA 10654 na nag-amyenda sa RA 8550 o Fisheries Code of 1998 sa kalagayan ng mga mangingisda sa Pilipinas. – MLM
“Tunay nga ng napakayaman ng pangisdaan ng ating bansa. Bilang isang arkipelagong nakalagak sa gitnang gitna ng pangitlugan at panagpuan ng mahigit 75% ng mga klase ng bahura (corals), 3,000 klase ng mahahalagang isdang pagkain, at malaking porsyento ng mga pagong at mammal sa daigdig. Gayundin, mahalagang bahagi rin tayo ng tuna highway ng daigdig, ang pinaka-inilalakong isda sa daigdig. Sa katunayan, umabot sa 2.3 milyong tonelada ang inaning mga isda noon lamang 2012 kung saan mahigit kalahati nito ay nagmula sa mga katubigang municipal.
Ngunit sa kabila nito, kronikong kahirapan at kagutuman, pagpapalayas, at pagpapabaya ang dinanas ng mga mangingisda sa loob ng 17 taon ng pagpapatupad sa Fisheries Code of 1998.
Nananatiling pinakamahirap sa mga mahihirap ang mga mangingisda. Ayon mismo sa Philippine Statistics Agency, dalawa sa limang mangingisda o 39.2 % ang nabubuhay na mas mababa pa sa P50 kada araw.
Pinakitid ng RA 8550 ang pangisdaan ng mga maliliit na mangingisda. Sa RA 8550, tinukoy ang 15 kilometrong karagatan mula sa pampang bilang municipal na pangisdaan at para lamang sa mga di lalampas na 3 gross tons ang bangkang gamit. Kasabay nito, kinontra nito ang sarili at binigyang laya ang mga malalaking komersyal na barko na makapangisda sa mga municipal na pangisdaan basta aabot ito sa pitong fathoms o dipa. Maging ang European Union ay nagpahayag na sa nakaraang dekada, mas malaking bahagi ng komersyal na pangingisda ay nagaganap sa saklaw ng mga municipal na pangisdaan. Kaalinsabay, nagtatag ito ng mga arbitraryong marine protected areas o pangalagaan ng bahura sa mga katubigang municipal para sa mga proyektong ekoturismo na sa iba ay umaabot mula 10 hanggang 12 ektarya ang lawak. Hinati-hati rin ng batas na ito sa bawat bayan ang mga pangisdaan at binigyang kapangyarihan ang mga Local Government Units (LGU) na magpataw ng mga ordinansa para sa pagbubuwis, pagkontrol, at pagpaparusa sa mga maliliit na mangingisda (sa bisa na rin ng LGU Code of 1990). Nagbigay daan ito sa mga zoning ordinance, color coding, at municipal licensing na lalo pang nagpakitid sa kanilang pinangingisdaan. Ayon mismo sa Food and Agriculture Organization of the United Nations (UN-FAO), mula sa 20 kilo ng isda kada araw noong 1989 ay 2 kilo na lamang sa kasalukuyan ang nahuhuli sa karaniwan ng mga municipal na mangingisda.
Sa pagkitid ng pinagkukunan, hindi lamang iilan ang kaso ng mga maliliit na mangingisdang binaril, hinaras, at kinasuhan dahil lamang nakalampas sa zoning ng mga bayan, nakapasok sa mga sanktwaryo, o nakalampas ng 15 kilometro sa paghahabol na makahanap ng huling isda. Patung-patung na bayarin at multa ang nakapakete sa loob ng RA 8550 kasabay ng mabibigat na bayarin upang tubusin ang mga hinuling bangka at kagamitan.
Walang modernisasyong naganap sa pamamaraan at kagamitan ng pangingisda sa bansa. Nananatiling 38% lang ang may motor sa mga bangkang rehistrado sa antas municipal at karamihan dito ay mahihinang klase ng motor (4-16hp). Ang mas marami pa (62%) ay de sagwan, de-layag at baroto o lunday. Walang subsidyong naranasan ang mga mangingisda sa panahon ng bagyo o kalamidad, lalo pang wala para sa pagpapaunlad ng kanilang produksyon. Ang mahigit 100 milyon na tulong para sa mga mangingisda ay ginamit upang ipalaganap ang akwakultura. Sa huli, napunta ang pondong ito sa paghihikayat sa mga panginoong maylupa at mga komersyante na mag-alaga ng mga high value stocks tulad ng hipon, tilapia, at hito. Lalong nagpakitid sa mga lawa, ilog, mga brackish waters, at ilang bahagi ng karagatan ang mga bakod at harang ng mga malalaking Fishpond Lease Agreement (FLA) na pakana ng kontra-mangingisdang batas na ito.
Tila di pa sapat, binigyang daan ng Fisheries Code ang reklamasyon at kumbersyon ng pangisdaan na sistematikong nagpalayas sa mga mangingisda at mamamayan sa mga tabing dagat at lawa. Pinapalayas ng sari-saring mga proyekto at konsesyon ang mga mangingisda di lamang sa kanilang kabuhayan kundi maging sa kanilang mga tirahan. Malawakang reklamasyon at kumbersyon ng pangisdaan ang dulot ng National Reclamation Plan para sa mga ekoturismo at libangan; habang kaliwa’t kanan naman ang Black Sand Mining sa Zambales, Cagayan at iba pa; isama pa ang mga ‘development projects’ tulad ng Laguna Lake Express Dike; at ang lantarang pagpapalayas na No-Dwelling Zone Policy ng gubyerno – lahat ng ito ay nagtataboy at nagpapatalsik sa buo-buong komunidad ng mga maliliit na mangingisda mula sa kanilang kabuhayan.
Sa susunod na linggo, ano itong RA 10654 at bakit kinokontra ng mga maliliit na mangingisda? # nordis.net