Select Page

Industriya ng tabako: Larawan ng monopolyo at mala-pyudalismo
FEATURE| October 26, 2014
8 MIN READ

By KYLE EDWARD FRANCISCO
www.nordis.net

Ang tabako ay itinatanim sa mahigit 120 na bansa sa buong mundo sa lagpas apat na milyong ektarya ng lupa. Siyamnapung porsyento (90%) ng tabako ay nagmumula sa 20 bansa habang ang 2/3 ng kabuuhang suplay para sa buong mundo ay nagmumula sa Tsina, Brazil, India at Estados Unidos. Sa kasalukuyan, ang Tsina ang may pinakamalaking produksyon na katumbas ng 40% ng kabuuhang produksyon ng tabako sa buong mundo, ngunit 5% lamang ang kanilang ini-eksport.

PANACPATANOR (Growing tobacco plants). Photo by Donna Rabang-Peta

PANACPATANOR (Growing tobacco plants). Photo by Donna Rabang-Peta

Ang Pilipinas ay isa sa mga pangunahing bansang nagtataniman ng tabako sa Timog Silangang Asya. Itinatanim ito sa 27 probinsya ng 65,000 magsasaka sa 42,000 ektaryang lupain. Ang malaking bilang nito ay nakakonsentra sa limang probinsya sa Hilagang Luzon – Ilocos Sur, Ilocos Norte, La Union, Pangasinan at Isabela. Ang mga nasabing probinsya ang pinagmumulan ng 90% ng tabako sa buong bansa kung saan 80% ay Virginia. Ang Rehiyon ng Ilocos ang pinagmumulan ng 75% ng suplay ng tabako.

Umaabot ng 0.61 ektarya ang karaniwang lawak ng sinasaka para sa tabako sa Pilipinas. Para sa isang karaniwang magsasaka na kapos sa puhunan, umaabot lamang ng 1,800 kilo kada ektarya ang naani habang 2,200 kilo naman para sa mga nakapaloob sa contract farming na mahigpit na sumusunod sa naitakdang teknolohiya.

Mahaba at masalimoot ang pagpapaluwal ng produktong ito. Kung pagbabatayan ang datus ng National Tobacco Administration (NTA) ayun sa inirerekomenda nilang teknolohiya, umaabot ng 158 (Burley) at 207 (Virginia) man-days ang iginugugol mula pagtatanim hanggang sa pagsasalansan bago maibenta ang mga ito. Sa pag-aaral naman na isinagawa ng Southeast Asia Tobacco Control Alliance (SEATCA), karaniwang umaabot ng 261(Virginia), 165 (Burley) at 142 (Native) man-days kung isasama ang mga maliliit na magsasaka ng tabako na halos walang antas ng mekanisasyon sa pagsasaka. Malaking bahagi ng trabaho sa produksyon ay manwal at karaniwang kabahagi ang halos lahat ng kasapi ng pamilya lalo na sa pag-aani.

Malaking puhunan, mababang bentahan

Napakalaki din ng kinakailangang puhunan para sa pagsasaka nito. Sa isinagawang tripartite conference noong 2013, umabot ng P121,726.28 (Virginia-Neutral) at P183,617 (Burley) ang kinakailangang kapital para sa isang ektaryang taniman. Labas pa dito ang iba pang gastos kagaya ng pagkain kapag nagpapaani at transportasyon para sa mga materyales at pagdala ng produkto sa trading centers.

Ang tripartite conference ay pinapatawag ng NTA kada dalawang taon upang itakda ang floor price ng tabako. Binubuo ito ng kinatawan mula sa pribadong sektor – traders at kumpanya ng tabako, mga kooperatiba at magsasaka – at ng gobyerno na kinakatawan ng NTA.

Sa pananaw ng Solidarity of Peasants Against Exploitation (STOP Exploitation) ang tripartite conference ay isa lamang pamamaraan ng gobyerno at mga kumpanya ng tabako na pagmukhaing binigyang konsiderasyon nila ang kahilingan ng magsasaka.

PANAGMANOS (Bundling tobacco leaves for storage). Photo by Donna Rabang-Peta

PANAGMANOS (Bundling tobacco leaves for storage). Photo by Donna Rabang-Peta

“Ang kumperensya ay paraan upang gawing makatwiran ang napakababang presyo ng aming produkto at hatiin ang hanay ng mga magsasaka ng tabako,” ani ni Zaldy Alfiler, magsasaka ng tabako sa Pinili, Ilocos Norte at secretary general ng STOP Exploitation.

Inihalimbawa ni Alfiler ang nangyari sa ginanap na tripartite conference noong 2013 kung saan ang hiling na dagdag sa presyo kada kilo ay P14. Ang kahilingang P14 ay resulta ng pagkwenta ng mga magsasaka na nakapaloob mismo sa programang contract growing ng NTA. Ngunit tuwirang sinabi ni Edgardo Zaragosa, administrador ng NTA, na hindi niya maaring ipaglaban sa pribadong sektor ang dagdag na hinihiling nila. Nang dumating sila sa pambansang himpilan ng NTA sa Quezon City, nagulat sina Alfiler at ang STOP Exploitation dahil P8 na lamang ang inihapag ng mga kasama nilang magsasaka na dumalo sa pulong.

“Kalakhan ng pinapunta nilang kinatawan umano ng magsasaka ay mga nakapaloob sa programang contract growing ng NTA at mga kumpanya, hindi rin binigyan ng pagkakataon ni Zaragasa ang aming organisasyon na ibahagi ang batayan ng P128 kada kilo para sa tabakong Virginia na aming ipinapanawagan,” dagdag ni Alfiler.

Mula 2003-2013, ang pagtaas ng presyo ng tabakong Virginia (neutral) ay nag-average lamang ng P5.33 na dagdag sa floor price. Habang umaabot sa average na P60.21 ang floor price at P59.31 naman ang avarage buying price mula 2001-2013. Ibig sabihin, bagamat may pagtaas ang presyo ng tabako (kung saan signipikante noong 2007) at may panahong mataas din ang average buying price (eg. 2009 na may P9 na difference) sa kalakhan ng panahon ay nabibili sa mababang halaga ang naani at pinatuyong dahon ng tabako.

Sa pag-aaral ng STOP Exploitation, P128 kada kilo ang makatarungang bayad para sa gastos, pagod at sakripisyo ng magsasaka. Ito ay sa balangkas na ang nararapat na katapat ng bawat araw na paggawa ng magsasaka at ng kanyang pamilya ay P645 na siyang halagang kinakailangan upang mapanumbalik ang lakas at partisipasyon nila sa produksyon.

Tinataya naman ng pagsusuri ng mga mag-aaral mula sa University of the Philippines Manila Development Studies Program na P83 ang karapat-dapat na floor price para sa tabakong Virginia batay sa kabuuhang gastos ng pagtatanim sa taong 2013. Mas mataas ito ng P5 kumpara sa itinakdang floor price ng National Tobacco Administration (NTA), ang ahensya ng pamahalaang nagpapatupad ng regulasyon, pamantayan at pagpapa-unlad ng pagtatanim ng tabako at pagbibigay garantiya sa mga kumpnayang namumuhunan para dito.

Tampok na dahilan ng bagsak na presyo ang lubhang mababa at naparaming gradong ipinapatupad ng mga kumpanyang bumibili ng tabako o down-grading. Umaabot ng halos 80 grado ang ipinapatupad ng mga kumpanya katulad ng Universal Leaf Philippines, Inc. (ULPI) at Philip Morris Fortune Tobacco Company (PMFTC) kumpara sa siyam na gradong nasa regulasyon ng NTA. Gayun paman, malaya itong ipanapatupad ng ULPI, PMFTC at iba pang trading centers na walang interbensyon ang NTA.

Pagtaas ng produksyon?

Ayun sa rekord ng NTA, umabot ng 66.6 milyong kilo ang kabuuhang naibentang pinatuyong dahon ng tabako noong 2013-2014. Ito ay mas mataas ng 2.8% kumpara noong 2012-2013. Sa unang tingin, nagmumukhang patuloy ang paglaki ng produksyon ng tabako mula 2006 hanggang 2013, maliban noong 2007 kung saan nagkaroon ito ng malaking pagbaba. Ngunit kung ihahambing ito sa produksyon noong maagang bahagi ng dekada 90, umaabot lamang ng halos 1/3 ang kasalukuyang bolyum ng naaning ng tabako.

Malaki ang papel ng pagpasok ng Pilipinas sa World Trade Organization (WTO) sa pagdusdus ng produksyon ng tabako. Nagsimulang ipinatupad ang mga polisiya at kasuduan sa ilalim ng WTO noong 1994. Nagdulot ito ng mas mababang buwis para sa mga inaangkat na produkto at materyales na salik naman sa pagbaba ng presyo ng lokal na produkto gaya ng tabako. Simula 1994 hanggang 2012, ang produksyon ng tabako ay umaabot lamang ng humigit-kumulang 49.16 milyong kilo bawat taon, mababa ito sa produksyon noong 1990-1993 na umabot ng 97.40 milyong kilo bawat taon.

URNO (Oven where tobacco leaves are dried). Photo by Donna Rabang-Peta

URNO (Oven where tobacco leaves are dried). Photo by Donna Rabang-Peta

Bagamat nagkaroon ng inisyal na pagkakaisa noong 2012 ang mga kinatawan ng mga bansang ASEAN na hindi isama ang tabako sa listahan ng mga produktong mapapasailalim ng ASEAN Free Trade Agreement (AFTA), Hindi ito garantiya na hindi titindi ang pagpiga ng tubo ng mga multinasyunal na korporasyon mula sa mga magsasaka sa mga bansang nagtatanim ng tabako.

Ayun sa pagsusuring isinagawa ng IBON Foundation, ang mga kasunduan kaugnay sa malayang kalakalan (free trade agreements) ay nagresulta sa pagbagsak ng ekonimiya at industriya ng bansa. Nagbigay daan din ito sa mas mabilis na konsentrasyon ng tubo at monopolyo sa pandaigdigang pamilihan.

Makabagong monopolyo ng tabako

Kontrol ng anim na dambuhalang korporasyon – ang China National Tobacco Corporation, Philip Morris International, British American Tobacco (BAT), Japan Tobacco International, Imperial Tobacco at Atria Group, Incorporated (Philip Morris, USA) ang 81% ng pamilihan sa buong mundo. Ang mga korporasyong ito ang nagtatakda sa takbo ng buong industriya.

Sa Pilipinas, kontrol ng PMFTC ang 90% ng kabuuhang merkado, 5% naman ang BAT habang 5% ang iba pang lokal na kumpanya. Pag-aari ng PMFTC ang limang pinakapopular na sigarilyo sa bansa gaya ng Marlboro at Fortune International. Maging ang ULPI, subsidaryo ng Universal Corporation ng Arizona sa USA, na siyang pangunahing kumpanyang bumibili, nagproproseso at nagbebenta ng tabako ay nakasandig sa produksyon ng PMFTC. Ang Altria Group, nagmamay-ari ng Philip Morris USA, ang pangunahing kliyente ng Universal Corporation. Ang dalawang kumpanyang ito na kapwa subsidaryo ng malalaking kumpanya ng sigarilyo sa USA ang may kontrol sa malaking bahagi ng pamilihan ng tabako sa Pilipinas.

Batay sa pagsusuri ng STOP Exploitation, ang malaking salik sa mababang presyo ng tabako sa Pilipinas sa kabila ng mataas na pangangailangan sa produkto ay ang monopolyo sa produkto, konsentrasyon sa bentahang at pakikisabwatan ng NTA sa mga kumpanya.

Larawan ng mala-pyudalismo

Batay sa isinagawang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies na inilabas ngayong Hunyo, ang malaki umanong kita at ang kasiguraduhang sa pamilihan ang nagtutulak kung bakit nanatili ang pagpabor ng mga magsasaka sa tabako. Ibinandera rin ng nasabing institusyon ng gobyerno ang malaki umanong benepisyo ng mga magsasakang nakapailalim sa contract growing.

Sa nakaraang tatlong dekada, malaking bahagi ng mga lupang agrikultural sa mga mahihirap at itinuturing na “umuunlad” na mga bansa gaya ng Pilipinas ay natamnan ng tabako. Ang mahigit 60% na itinaas ng produksyon ng tabako mula 1975 hanggang 1998 ay dahil sa 120% na paglaki ng produksyon ng mga mahihirap at “umuunlad” na mga bansa. Habang bumaba naman ng mahigit 31% ang produksyon ng mga mauunlad na bansa gaya ng USA sa parehong panahon. Sanhi ito nga paglilipat ng kapital para sa produksyon ng hilaw na materyal ng sigarilyo sa mga bansang katulad ng Pilipinas. Ang maluwag na regulasyon at sistema ng pagbubuwis, mas mababang halaga ng lakas paggawa at mas malaking bilang ng magsasaka na nakasandig sa mga pautang na kapital ay lubhang paborable para magkamal ng mas malaking tubo ang mga kumpanya ng tabako at sigarilyo.

Sa ilalim ng contract farming, nakatali ang mga magsasaka sa pagtitiyak ng dami at kalidad ng ani na itinatakda ng kumpanya habang nakapataw lamang sa bahagi ng magsasaka ang panganib ng pagkalugi dahil sa kawalan ng probisyong force majeure sa kasunduan. Ang force majeure ay probisyon sa kontrata na nagbibigay proteksyon sa nakipagkasundo sakaling hindi na niya kayang tuparin ang kanyang bahagi dahil sa mga din maiiwasang pangyayari gaya ng natural na sakuna. May ilang sinisingil din ang mga kumpanya na hindi malinaw kung para saan kagaya ng service fee at withholding tax ng ULPI.

Ayun sa STOP Exploitation, signipikanteng salik sa paglawak ng contract growing sa bansa ang agresibong panghihikayat ng mga kumpanya ng sigarilyo ng pagtatanim ng tabako. Binigyang diin ng grupo ang bulnerabilidad ng mga magsasaka sa mga pinansyal at teknikal na tulong o pautang na kapital dahil sa kawalan ng suportang pang-agrikultural na nagmumula sa gobyerno. Pinipili din umano itong itanim dahil sa walang mahusay na sistema ng patubig at daanan sa maraming bahagi ng Ilocos. Kumpara umano sa ibang pananim, hindi masyadong nangangailangan ng dilig ang tabako at hindi rin ito madaling masira.

Noong 2011, naglaan ang ULPI ng dagdag ng P300 milyon upang madagdagan ng 3,000 ektarya ang saklaw ng programa nitong contract farming sa Ilocos at Cagayan. Sa pagsasara ng 2012, umabot na sa 28,000 ang magsasakang nakapailalim sa contract growing ng kumpanya na nagtatanim sa 19,000 ektarya na pinagmulan ng humigit-kumulang na 60% ng kabuuhang ani ng nasabing taon.

Sinundan ito ng PMFTC na mayroong 3,000 magsasaka at responsable sa pagbili ng 19% sa kaparehong panahon. Lumaki din ang bilang ng mga magsasaka na nakapaloob sa NTA, mula 662 noong 2010-2011 patungong 1,770 noong 2011-2012. Umabot ng P41.51 milyon ang naipautang ng NTA.

“Ang pagpasok ng napakalaking kapital ng mga kumpanya ay nagbibigay sa kanila ng kapangyarihang magtakda sa buong proseso ng pagtatanim hanggang sa presyo ng mga produkto,” paliwanag ni Ka Avelino Dacanay, taga-pangulo ng STOP Exploitation.

“Ito ang malinaw na larawan ng sinabi naming mala-pyudalismo, kung saan kinukubabawan at binabansot ng kapital ang atrsadong sistema ng agrikultura sa bansa upang matiyak ang pagsandig nito sa pinansya ng mga dambuhalang korporasyon habang tinitiyak ang kanilang malaking tubo,” dagdag na paliwanag ni Dacanay. # nordis.net

Share This
Verified by MonsterInsights