FEATURE| September 23, 2012
4 MIN READNi KIMBERLIE NGABIT-QUITASOL
www.nordis.net
BAGUIO CITY — Hindi napigilan ng pagbuhos ng ulan ang mga beteranong aktibista ng First Quarter Storm (FQS) dito sa Cordillera kasama ang mga organisasyong nagtatanggol sa karapatang pantao upang gunitain ang mga ala-ala at aral ng batas militar at ang mapagpunyaging paglaban dito.

NEVER AGAIN TO MARTIAL LAW. The afternoon rains did not stop veteran activists from the martial law period and the young ones on September 21, carrying tarpaulines on one hand and umbrellas on the other, they marched down Session Road to Peoples Park to commemorate the 40th anniversary of the declaration of martial rule in the country. Photo by Aldwin Quitasol
Sa kabila ng di mapigilang pagulan, naglakad pababa ng Session Road ang mga beteranong aktibista hawak ang mga litratong naglalarawan sa mga naging paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng batas miltar. Pinangunahan ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ang naturang mobile exhibit na pinamagatang Walking through the Memories of Martial Law 4:00 ng hapon, Setyembre 21.
Nagtapos ang aktibidad sa isang maiksing programa sa Peoples Park sa paanan ng Session Road bilang pagpupugay at paggunita sa apatnapung taong pakikibaka ng mamamayan laban sa panunupil at pandarahas.
Ayon kay Ruel Caricativo ng CHRA ang kalagayan ng karapatang pantao sa bansa noong panahon ng batas militar ay walang pinagkaiba sa kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Benigno Aquino III o PNoy. Aniya patuloy parin ang mga paglabag sa karapatang pantao, enforced disappearance, torture at pamamaslang pampulitika.

Photo by Aldwin Quitasol
Dagdag pa aniya, daan daan na ang naging biktima ng pamamaslang pampulitika at enforced disappearance mula noong mapawalang bisa ang batas militar at nagpapatuloy ang mga ito sa ilalim ng pamumuno ni PNoy.
Ayon pa kay Caricativo, nananatiling hungkag ang bukang bibig na kapayapaan at matuwid na daan ng kasalukuyang pamahalaan sa ilalim ng internal security plan na Oplan Bayanihan ng administrasyong Aquino.
Ibinahagi ni Caricativo na sa Cordillera laganap parin ang militarisasyon at paglabag sa karapatang pantao tulad noong panahon ng diktadura. Aniya patuloy parin ang pagkakampo ng mga sundalo sa loob ng mga pamayanan, sa mga paaralan at day care maging sa loob ng mga bahay. Dagdag pa nito, patuloy din ang ilegal na pagditene at pandarahas sa mga hinihinalang suporter ng New People’s Army (NPA).
Ayon naman kay Cielo Marie Bayson ng College Editor’s Guild of the Philippines (CEGP) nagpapatuloy hanggang ngayon ang martial law. Patuloy pa rin ang panunupil sa mamamayan at sa mga progresibong organisasyon sa panunungkulan ni PNoy.

Photo by Aldwin Quitasol
Aniya, hindi naman nalalayo ang mga Kontra-mamamayang polisiya ng dating diktador Ferdinand Marcos noon at ni Aquino ngayon. Dagdag pa niya patuloy ang vilification sa loob at labas ng mga pamantasan, gaya na lamang ng mga miyembro ng Progressive Igorots for Social Action (PIGSA) sa Benguet State University na kinwestyon at kinuhanan ng mga pangalan at litrato noong sila ay nagpupulong sa loob ng BSU.
Kamakailan lamang ay direktang sinabi ng presidentu ng Benguet State University na si Ben Ladilad, na ang mga organisasyong gaya ng PIGSA ay mga rekruter ng NPA at terorista. Di rin naman ito nalalayo sa kalagayan ng Saint Louis University na hindi pinahihintulutan ang pag-organisa at pagkilala ng Anakbayan sa loob ng pamantasan, sa parehong rason.
Kinondena naman ng Anakbayan sa isang pahayag ang mababang budget ng mga state universities and colleges at paghimok sa mga ito na maglunsand ng mga income generating programs. Ito inihalintulad ng mga kabataan sa pagtapyas ng budget sa edukasyon noong panahon ng diktadura. Dahil dito, anila lalong dumami ang bilang ng mga kabataang napag kaitan ng karapatan sa edukasyon.

Photo by Aldwin Quitasol
Ayon pa sa Anakbayan, nakakahiya sa ala-ala ni Ninoy Aquino na ang kanyang anak mismo ay kapareho ni Marcos na kanyang kinalaban noong ito pa ay nabubuhay.
Samantala, sa isang pahayag ng Kabataan Partylist, kinondena ng kanilang kinatawan ang pahayag ni Commisssion on Human Rights (CHR) Chair Etta Rosales na ang isinagawang strike ng mga kabataan para sa karapatan sa edukasyon ay panggulo lamang sa pagunita ng batas militar.
Ayon kay Kabataan Partylist Rep. Raymond Palatino tila nakalimutan ni Rosales ang makabuluhang ambag ng kilusan ng mga kabataan sa pagpapabagsak sa diktadurang Marcos. Dagdag pa aniya hindi nila inaasahan na sasabihin ito ng pinuno ng CHR na isang beterano ng batas militar.
Maalalang sa isang ulat sa telebisyon ay pinagsabihan ni Rosales ang mga kabataang naglulunsad ng strike na huwag ihambing ang kasalukuyang nangyayari sa mga naganap noong panahon ng batas militar at imbes na sumama sa strike ay tumungo na lamang sila sa mga silid aklatan upang mag-aral tungkol sa batas militar.

Photo by Aldwin Quitasol
Giit ni Palatino, ang pagpapaigting at pagpapalawak ng samasamang pagkilos ng mga kabataan ang pinakamakabuluhang paraan ng paggunita sa batas militar. Aniya nararapat lamang ang isinasagawang welga ng mga kabataan dahil patuloy ang walang humpay na pagtaas ng matrikula at pagkaltas sa budget para sa edukasyon na siyang dahilan kung bakit milyon milyong kabataang ang napagkakaitan ng karapatan sa edukasyon.
Ayon pa kay Palatino ang mga kalagayan ng edukasyon sa kasalukuyan ang nagtulak sa paglawak ng kilusang kabataan kung saan kabilang si Rosales noon unang sigwa. Hinimok niya na sumama si Rosales sa mga welga ng kabataan upang manariwa sa kanyang ala-ala ang kahalagahan ng samasamang pagkilos upang igiit ang mga demokratikong karapatan.
Naglunsad ang iba’t ibang organisasyon ng mga kabataan ng sunod-sunod na pambansang welga and demonstrasyon upang tutulan ang paglala ng komersyalisasyon ng edukasyon. # nordis.net