Pagpapalaya kay Joma kinalugod ng mga kabataan
BAGUIO CITY (Set. 15) — Buong galak na kinilala ng mga militante at progresibong kilusan ng mga kabataan ang balitang pinalaya na noong Setyembre 13, ng gobyernong Dutch si Prop. Jose Maria Sison mula sa pagkakapiit nito.
Ayon sa desisyon ng mataas na korte sa The Hague, Netherlands na walang sapat na ebidensya at merito upang iugnay si Sison sa mga kasong isinampa sa kanya sa nasabing bansa.
Sinusugan ng gobyernong Dutch ang nauna nang desisyon ng Korte Suprema ng Pilipinas na nagpapawalang-sala kay Sison sa pagiging utak sa pagpatay kay Arturo Tabara at Romulo Kintanar. Ang nasabing akusasyon ay kabilang sa pangkalahatang kasong rebelyon na isinampa laban kay Prop. Sison at sa 50 iba pang personalidad na ibinasura ng Korte Suprema noong Hunyo 2, 2007.
Ayon kay Antoni Karl Riva, pangalawang tagapangulo para sa Luzon ng Anakbayan at pangalawang kalihim ng Tongtongan Ti Umili, ang mga ebidensyang ginamit sa ibinasurang kaso ni Sison sa Netherlands ay nanggaling mismo sa gobyernong Arroyo. “Malinaw sa pagsusupply ng rehimeng US-Arroyo ng mga palsipikado at gawa-gawang ebidensya laban kay Prop. Sison na nais nitong supilin at patahimikin ang mga kritiko nito. Pagpapatunay ito na desperado na ang rehimen sa pagdurog sa lahat ng lumalaban rito dahil sa malawak na pagkakahiwalay nito sa sambayanan. Sa pangalawang pagkakataon, napatunayan na naman na ang mga ito ay pawang imposibleng ginawa ng Propesor.”, banggit ni Riva. Ang pagpapalaya din kay Prop. Sison, ayon kay Riva, ay isang malaking dagok sa parte ng rehimeng US-Arroyo sa tunguhin nitong durugin ang malawak na pakikibakang anti-imperyalista at anti-pasista ng mamamayan sa bansa.
Ikinatuwa ng mga kabataan ang pagpapalaya kay Sison dahil kinikilala ng mga ito ang kanyang mga nagawa. “Malaking inspirasyon si Sison sa malawak na kilusang kabataan at estudyante dahil sa kanyang hindi-matatawarang ambag sa pangunguna sa mga kabataan. Sa kanyang panahon noong 70’s,nanindig siya upang pag-aralan, tuligsain at labanan ang mga mapaniil na patakaran ng pinatalsik na rehimeng US-Marcos. Pinatunayan ni Prop. Sison, bilang isang panlipunang kritiko, sa kanyang panahon na ang mga kabataan ay isang mahalagang salik sa panlipunang pagbabago,” ayon kay Riva.
Si Sison ang tagapangulong tagapagtatag ng Kabataang Makabayan (KM) noong 1964, isang makabayang organisasyon ng mga kabataan na nanguna sa mga pagkilos at protesta para sa pambansang demokrasya. Sa kasalukuyan, si Sison ay patuloy na nagsusulat ng mga artikulo hinggil sa ibaft ibang usapin at tungkulin ng kilusang kabataan at estudyante upang patuloy na kumilos para sa isang lipunang makabayan, progresibo, at demokratiko.
“Sa kasalukuyang panahon ng lumalalang krisis-panlipunan bunsod ng pagpapakatuta, pasismo, at panlilinlang ng rehimeng US-Arroyo, mataas na hamon sa mga kabataan ng panahong ito na kamtin ang mga walang kamatayang katangian bilang mga panlipunang kritiko at ahente ng pagbabago, na malaon ng sinumulan ng mga katulad ni Sison, upang isulong ang mga demokratiko at makatarungang mithiin ng sambayanan,” dagdag pa ni Riva.
Samantala, ayon sa Kilusang Mayo Uno, isang sampal kay Gloria ang paglaya ni Joma mula sa gawa-gawang kasong itinulak nila para sa gubyerno ng Dutch. Lalo lamang pumangit ang imahe ng kanyang gobyerno sa international community dahil sa ginawa nila sa propesor.
Naniniwala ang KMU na ang malawak at maraming protesta mula sa iba’t ibang bansa sa mundo ang nakatulong upang mapressure ang gobyerno ng Netherlands para palayain si Joma.
“Siyempre, mula’t sapul, wala namang ebidensiyang magsasabing si Sison nga ang nag-utos para patayin sila Kintanar at Tabara,” paliwanag ni Wilson Baldonaza, pangkalahatang-kalihim ng KMU.
Binatikos din ng KMU si Security Adviser Norberto Gonzales dahil sa pagkakahuli at pagpapalaya kay Joma. Anila, pangatlong beses nang pumalya si Gonzales sa pagpapakulong sa mga lider politikal, ang una ay kaugnay sa pagkahuli ng Batasan 5 at pumangalawa ang pagpapakulong kay Crispin Beltran, na pawang napalaya dahil sa kawalan ng ebidensya. # Keidy Transfiguracion para sa NORDIS
